Kalinangan

Ang kultura o kalinangan tumutukoy sa araw-araw na pangkabuhayan ng isang grupo. sa pangkalahatan ay tumutukoy sa aktibidad ng sangkatauhan. Sa isang payak na kahulugan, ito ang "kaparaanan ng mga tao sa buhay", ibig sabihin ang paraan kung paano gawin ang mga bagay-bagay. Iba't iba ang kahulugan ng kultura na sumasalamin sa iba't ibang mga teoriya sa kaunawaan, o sukatan sa pagpapahalaga, sa aktibidad ng sangkatauhan. Sa iba, ito ang kuro o opinyon ng buong lipunan, na maaaring makita sa kanilang mga salita, aklat at mga sinulat, relihiyon, musika, pananamit, pagluluto, at iba pa. Makikita ang 164 kahulugan ng "kultura" sa isang talaan sa Culture: A Critical Review of Concepts and Definitions[1] (Kultura: Isang Mapanuring Pagrepaso ng mga Konsepto at Kahulugan) nina Alfred Kroeber at Clyde Kluckhohn na nilimbag noong 1952.

Pinagmulan

Ang salitang kultura ay hinango mula sa wikang Latin: na cultura na may literal na kahulugang "kultibasyon" o "paglilinang".[2] Ang kalinangan ay isang katagang may maraming iba't ibang magkakaugnay na mga kahulugan. Subalit, ang salitang ito ay pinaka pangkaraniwang ginagamit sa tatlong payak na mga diwa:

  • Ang pagkakaroon ng matanging panlasa sa mga pinong sining at araling pantao, at tinatawag ding mataas na kalinangan
  • Isang binuong huwaran ng kaalaman, paniniwala, at ugali ng tao na nakabatay sa kakayahan para sa masagisag na pag-iisip at pagkatutuo ng pakikipagkapwa
  • Isang pangkat ng pinagsasaluhang mga ugali, pagpapahalaga, mga layunin, at mga gawain na nagbibigay ng katangian sa isang institusyon o panimulaan, organisasyon, o pangkat.

Nang unang lumitaw ang konsepto o diwa noong ika-18 at ika-19 daantaon sa Europa, may pahiwatig ito bilang isang proseso ng paglilinang ng halaman o pagpapainam, katulad ng agrikultura o hortikultura. Noong ika-19 daantaon, ito ay naging tumutukoy muna sa pag-inam o pagpino o pagdalisay ng isang indibidwal, natatangi na sa pamamagitan ng edukasyon, at pagkaraan ay tumukoy na sa pagsasakatuparan ng nasyonalismo, katulad ng mga adhikain o mga mithiing pambansa. Noong kalagitnaan ng ika-19 daantaon, ilang mga siyentipiko ang gumamit sa katagang "kultura" upang tukuyin ang isang pandaigdigang kakayahan ng tao. Para kay Georg Simmel, isang sosyologong Aleman na hindi positibista, ang kalinangan ay tumutukoy sa "ang paglilinang ng mga indibidwal sa pamamagitan ng ahensiya ng panlabas na mga anyo na dumaan sa obhetipikasyon sa loob ng kurso ng kasaysayan".[3]

Noong ika-20 daantaon, umahon ang "kalinangan" bilang isang diwa na nakapagitna o naging pangunahin sa larangan ng antropolohiya, na nagsasangkot ng lahat ng mga kababalaghan o penomenong pantao na hindi puro mga kinalabasan ng henetika ng tao. Katulad ito ng katagang "kultura" sa antropolohiyang Amerikano na may dalawang kahulugan: (1) ang umunlad na kakahayan ng tao upang uri-uriin at katawanin ang mga karanasan sa pamamagitan ng mga sagisag, at gumalaw na may imahinasyon at malikhain; at (2) ang namumukod-tanging mga kaparaanan ng tao na namumuhay sa iba't ibang mga bahagi ng mundo na nag-uri at kumatawan sa kanilang mga karanasan, at kumilos na ayon sa pagiging malikhain nila. Pagkalipas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang katawagan ay naging napakahalaga, bagaman mayroong dalawang magkaibang mga kahulugan, sa ibang mga disiplinang katulad ng araling pangkalinangan, sikolohiyang organisasyonal, ang sosyolohiya ng kalinangan at araling pampamamahala.

Etimolohiya

Ang etimolohiya ng makabagong katagang "kultura" ay may simulaing klasikal. Sa wikang Ingles, ang salitang "kultura" ay ibinatay sa isang katagang ginamit ni Cicero, mula sa kanyang Tusculanae Disputationes (Tuskulanong Pagmamatuwiran), kung saan siya nagsulat ng paglilinang ng kaluluwa o "cultura animi", kung kaya't gumamit ng isang metapor na pang-agrikultura upang ilarawan ang pag-unlad ng isang kaluluwang makapilosopiya, na naunawaan sa teolohiya bilang isang nag-iisang likas at pinakamataas na maaaring adhikain para sa kaunlarang pantao. Ginamit ni Samuel Pufendorf ang talinghagang ito sa isang makabagong diwa, na may kahalintulad na kahulugan, ngunit hindi na hinihinala na ang pilosopiya ang likas na perpeksiyon ng tao. Ang paggamit na ito ni Pufendorf, at ng iba pang maraming mga manunulat pagkaraan niya, ay may ganitong pagpapaliwanag: na ang kalinangan ay "tumutukoy sa lahat ng mga paraan na ginagamit ng tao upang mapagtagumapayan ang kanilang simulain may barbarismo, at sa pamamagitan ng katalinuhan, karunungan, at kasanayan, ay maging talagang tao".[4]

Ayon sa paglalarawan ni Velkley[4]:

Ang katagang "kalinangan," na sa simula ay nangangahulugang paglilinang ng kaluluwa o isipan, ay nagkamit ng karamihan sa makabagong mga kahulugan nito sa bandang huli magmula sa mga sulatin ng mga mapag-isip na Aleman noong ika-18 daantaon, na sa samu't saring mga antas ay nagpaunlad sa kritisimo ni Rousseau ng modernong liberalismo at Pagpapaliwanag. Kaya't may pagkakaiba sa pagitan ng "kultura" at "kabihasnan" mula sa mga may-akdang ito, kahit na ipinadarama bilang ganyan. Ang dalawang pangunahing mga kahulugan ng kalinangan ay lumitaw magmula sa kapanahunang ito: ang kalinangan bilang isang espiritu ng taumbayan na may natatanging katauhan; at ang kultura bilang paglilinang na papaloob o papunta sa loob ng sarili, o paglilinang ng indibidwalismong malaya. Ang unang kahulugan ay nangingibabaw sa pangkasalukuyang paggamit ng katagang "kultura", bagaman ang pangalawa ay may ginaganapan pa rin na isang malaking gampanin sa naiisip natin bilang kung ano ang dapat makamtan ng kalinangan: ang buong "pagpapadama" ng pagkanatatangi ng "totoo" o "tunay" na sarili.

Mga sanggunian

  1. Kroeber, A. L. and C. Kluckhohn, 1952. Culture: A Critical Review of Concepts and Definitions.
  2. Harper, Douglas (2001). Online Etymology Dictionary
  3. Levine, Donald (patnugot) 'Simmel: On individuality and social forms' Chicago University Press, 1971. pahina 6.
  4. 4.0 4.1 Velkley, Richard (2002). "The Tension in the Beautiful: On Culture and Civilization in Rousseau and German Philosophy". Being after Rousseau: Philosophy and Culture in Question. The University of Chicago Press. pp. 11–30.


Kalinangan Ang lathalaing ito na tungkol sa Kalinangan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.

Apelyido

Ang isang apelyido, pangalan ng angkan o pamilya, o huling pangalan ay isang bahagi (sa ibang kalinangan) ng isang pansariling pangalan na ipinapahiwatig ang pamilya (o angkan o lipi o pamayanan, depende sa kultura) ng isang indibiduwal. Depende sa kalinangan, lahat ng kasapi ng isang yunit ng mag-anak ay maaring may magkakahawig na apelyido o mayroong pagkakaiba batay sa ginagampanan sa kalinangan.

Sa mga nagsasalita ng wikang Ingles, karaniwang tinutukoy ang apelyido bilang huling pangalan o last name dahil nilalagay ito sa dulo ng buong pangalan ng isang indibiduwal, na pagkatapos ng ibinigay na pangalan. Sa maraming bahagi sa Asya, gayon din sa ilang bahagi ng Europa at Aprika, ang pangalan ng angkan ay nilalagay bago ang ibinigay na pangalan ng indibiduwal. Sa mga bansang nagsasalita ng wikang Kastila at wikang Portuges, dalawang apelyido ang karaniwang ginagamit at sa ilang pamilya na inaangkin ang isang koneksyon sa pagkamaharlika, tatlo naman ang ginagamit. Sa Pilipinas, bagaman mayroong impluwensiyang Kastila at Ingles sa karamihan ng paggamit ng apelyido, ang legal na paggamit ng apelyido ay nakasaad sa Batas Republika Blg. 386 (o Kodigo Sibil ng Pilipinas), Titulo XIII (Artikulo 364 hanggang 380).Ang mga apelyido ay di palaging mayroon sa kasaysayan at sa ngayon ay di unibersal sa lahat ng kultura. Lumitaw ang ganitong tradisyon na magkakahiwalay sa iba't ibang kalinangan sa buong mundo. Sa Europa, naging tanyag ang konsepto ng apelyido noong panahon ng Imperyo Romano at napalawak sa lahat ng dako ng Mediteraneo at Kanluraning Europa bilang isang resulta. Noong Gitnang Panahon, nawala ang kasanayang ito habang namayani ang impluwensiyang Aleman, Persyan at iba pa. Noong huling bahagi ng Gitnang Panahon, unti-unting bumalik ang paggamit ng apelyido, una sa anyong byanme o palayaw (karaniwang ipinapahiwatig ang trabaho ng indibiduwal o ang pook ng tirahan), na unti-unting naging makabagong apelyido. Sa Tsina, karaniwan na ang apelyido simula noong di bababa sa ikalawang siglo BC.

Araling pangkultura

Ang araling pangkalinangan o araling pangkultura (Ingles: cultural studies) ay isang larangang pang-akademiya na itinatag sa teoriyang kritikal at kritisismong pampanitikan. Mayroong katangiang interdisiplinaryo, ang araling kultural ay nagbibigay ng isang repleksibong network ng mga intelektuwal na nagtatangkang ilagay ang mga puwersang bumubuo sa mga buhay sa araw-araw. Nakatuon ito sa pampolitikang dinamika ng kulturang kontemporaryo, pati na sa mga pundasyong pangkasaysayan nito, mga salungatan at mga katangiang panlarawan nito. Ikinakaiba ito mula sa antropolohiyang pangkultura at araling etniko na kapwa sa obhektibo at metodolohiya. Nakatuon ang mga mananaliksik ng araling pangkalinangan sa kung paanong ang isang partikular na midyum o mensaheng ay nagkakaroon ng kaugnayan sa ideolohiya, klaseng panlipunan, kabansaan, etnisidad, seksuwalidad, at/o kasarian, sa halip na mag-imbistiga ng isang partikular na kultura o pook ng mundo.

Sa isang maluwag na may kaugnayan ngunit nakahiwalay na paggamit, ang pariralang "araling pangkultura" ay paminsan-minsang nagsisilbi bilang isang magaspang na singkahulugan ng araling pampook, bilang isang pangkalatahang kataga na tumutukoy sa pang-akademiyang pag-aaral ng partikular na mga kultura sa loob ng mga kagawaran at mga programang katulad ng araling pang-Islam, araling pang-Asya, araling pang-Aprikanong Amerikano, at iba pa. Subalit, sa mahigpit na pananalita, ang mga programa ng araling pangkultura ay hindi tumutuon sa partikular na mga pook ng mundo at kahit na sa espesipikong mga gawaing pangkultura.

Hinaharap ng araling pangkultura ang mga paksa sa paraang buo, na pinagsasama-sama ang teoriyang peminista, teoriyang panlipunan, teoriyang pampolitika, kasaysayan, pilosopiya, teoriyang literaryo, teoriya ng midya, araling pampelikula/araling pambidyo, araling pangkomunikasyon, ekonomiyang pampolitika, araling pangtranslasyon, araling pangmuseo at kasaysayang pangsining at kritisismo upang pag-aralan ang kababalaghang pangkultura sa loob ng sari-saring mga lipunan. Kung gayon, ang araling pangkultura ay naglalayong umunawa sa mga paraan kung saan ang kahulugan ay nalilikha, naipamumudmod, at nagagawa sa pamamagitan ng samu't saring mga gawain, mga paniniwala at mga panimulaan o institusyon. Pati na ang pampolitika, pang-ekonomiya at kahit na mga kayariang pangpakikipagkapuwa sa loob ng isang ibinigay na kalinangan.

Ang lathalaing ito na tungkol sa Kalinangan at Edukasyon ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.

Cosplay

Ang cosplay ay ang tema kung saan gagayahin ang mga idolong karakter sa mga anime, mga online at video games na nilalaro, mga karakter sa mga pelikula, pati artista at iba pa. Ginaganap lang ito tuwing Linggo. Kailangan lamang ay magparehistro (magpalista), maging myembro at kailangan may talento at magaling sa mga sasagutin na mga katanungan. Nagsimula ang Philippine Cosplay noong 2001. Maraming mga kabataan ang sumali sa kompetisyon na ito.

Elam

Ang Elam ay isang makasaysayang kabihasnan na ang mga guho ay matatagpuan sa Timog-Kanluran ng Iran. Sa heograpiya, ito ay nasa isang patag na lupa sa Khuzestan at Lalawigang Ilam (ang pangalan ay galing sa Elam). Ang lawak nito ay umaabot sa Jiroft sa lalawigang Kerman at sa Sunog na Lungsod sa Zabol, hanggang sa ilang bahagi ng timog ng Irak. Ang Susa ay ang pangunahing lungsod ng Elam. Sa kasalukuyan, ang Susa ay naging lungsod ng Shush.

Kabihasnang Etrusko

Ang mga Etrusko (Ingles: Etruscans) ay ang pinakamahalagang mga tao sa sinaunang Italya noong bago dumating ang sinaunang mga Romano. Namuhay sila sa Etruria, na kilala sa kasalukuyan bilang Tuskanya. Nagtatag sila ng isang makapangyarihang imperyo sa hilagang-kanluran ng Italya. Sila ang unang mga naghari sa Roma. Nasa kaganapan ang kanilang imperyo noong mga 500 BK. Pagsapit ng mga 300 BK, nasanib ang Imperyong Etrusko sa kabihasnan ng sinaunang Roma.

Kabihasnang Minoe

Ang kabihasnang Minoe o sibilisasyong Minoano ay isang dating kabihasnan sa pulo ng Creta na nagsimula noong Panahon ng Tansong-Pula. Umiiral ito mula noong mga 2700 BK. Tumagal ito magpahanggang mga 1450 BK, bago napalitan ng kalinangang Miseneo. Hindi naman talaga nalalaman ng mga dalubhasa kung ano ang tawag ng mga Minoe o Minoano para sa kanilang mga sarili, sapagkat nagmula lamang kay Sir Arthur Evans ang kapangalanang Minoan, na ibinatay mula sa maalamat o mitikong nilalang na si Haring Minos.Muling natuklasan ang kalinangang Minoe sa pagsisimula ng ika-20 daangtaon sa pamamagitan ng pangunguna ni Evans, isang Britanikong arkeologo. Noong 1939, inilarawan ito ni Will Durant bilang "ang unang ugnay sa loob ng tanikalang Europeo".

Kagandahan

Ang ganda o kagandahan (Ingles: beauty, charm) ay isang katangian ng isang tao, hayop, lokasyon o pook, bagay, o ideya na nagbibigay ng karanasan ng pananaw o hiwatig ng kaligayahan, kahulugan, o pagkapuno (satispaksiyon). Pinag-aaralan ang kagandahan bilang bahagi ng estetika, sosyolohiya, sikolohiyang panlipunan, at kalinangan. Bilang isang nilikhang pangkultura, labis na naging komersyalisado ang kagandahan. Isang katauhan o katawan ang "huwarang kagandahan" o "kagandahang ideyal" na hinahangaan, o nag-aangkin ng mga katangiang malawakan ibinubunton sa diwa ng kagandahan sa isang partikular na kultura, para sa perpeksiyon.

Kalimitang kinasasangkutan ang pagkaranas ng "kagandahan" ng pagkakaunawa ng ilang mga entidad bilang nasa loob ng balanse at harmoniya ng kalikasan, na maaaring humantong sa mga damdamin ng pagkaakit at mabuting kapakanang pangdamdamin. Dahil sa isa itong karanasang nasa isip, personal, o pangsarili, malimit na sinsabing "ang kagandahan ay nasa mata ng tumitingin." Sa diwa nitong pinakamarubdob, maaaring magbunga ang kagandahan ng isang kapuna-punang karanasan ng positibong maingat na paglilimi hinggil sa kahulugan ng pansariling pag-iral. Ang paksa ng kagandahan ay anumang bagay na nag-aalingawngaw ng kahulugang pansarili.

Kasingkahulugan ang salitang kagandahan ng maganda, kariktan, dilag, karilagan, bighani, alindog; maaari ring katumbas ng inam, igi, kaigihan, bentahe, kalamangan, at aya. Partikular na nangangahulugan ang alindog ng matinding kagandahan o napakaganda, na katumbas din ng mga salitang dikit at dingal. Katumbas ng maalindog ang pagiging kaakit-akit. Bukod sa kagandahan, maaari ring tumukoy ang alindog sa karinyo, lambing, kalinga, bait, o kaya sa papuring paimbabaw o tuya.

Kalinangang Kanluranin

Ang kalinangang Kanluranin o kulturang Kanluranin, na minsang itinutumbas sa kabihasnang Kanluranin, sibilisasyong Kanluranin, kabihasnang Europeo, o sibilisasyong Europeo, ay ang mga kalinangan o kultura na pinagmulan sa Europa at ginagamitan na napaka malawakan na pagtukoy sa pamanang pangkalinangan ng mga pamantayang ugali ng lipunan, mga pagpapahalagang pang-etika, mga nakaugaliang kinapamihasnan, mga paniniwalang pangpananampalataya, mga sistemang pampolitika, at tiyak na mga artipaktong pangkalinangan, at mga teknolohiya.

Nagsasanga ang kulturang pangkanluran o kalinangang pangkanluran mula sa dalawang pinagkunan: ang Panahong Klasikal ng panahong Griyego at Romano at ang impluwensiya ng Kristiyanismo. Ang mga tema at mga tradisyong makasining, pampilosopiya, pampanitikan, at batas na Kanluranin; ang mga pamanana ng mga pangkat na etniko at pangwika (lingguwistiko), natatangi na ng Europang Latin, Keltiko, mga taong Hermaniko, at kabihasnang Helenistiko (sibilisasyong Heleniko); pati na ang kaugalian ng rasyonalismo sa samu't saring mga nasasakupan ng buhay, na pinaunlad ng pilosopiyang Helenistiko, Iskolastisismo, mga Humanismo, Himagsikang Pang-agham, at ang Panahon ng Kamulatan; at kasama, sa kaisipang pampolitika, ang malaganap na argumentong rasyonal (debate o balitaktakan) na nakakiling para sa malayang kaisipan, mga karapatang pantao, egalitaryanismo (pagkakapantay-pantay), at demokrasya.

Ang katagang ito ay naging ginagamit para sa bansa na ang kasaysayan ay malakas na namarkahan ng imigrasyon o pananahanang Europeo papunta sa mga pook na katulad ng Kaamerikahan at Australasya, at hindi nakatuon lamang sa Kanlurang Europa.

Ang mga tala na pangkasaysayan ng kulturang kanluranin sa loob ng nasasaklawang pangheograpiya nito sa Europa ay nagsisimula sa Sinaunang Gresya, at pagkaraan ay sa Sinaunang Roma, Pagsasakristiyano noong Gitnang Kapanahunan sa Europa, at reporma at modernisasyon na nag-umpisa sa Renasimyento, at naging globalisado sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga imperyong pangkolonya ng Europa (mga imperyong Europeo) na nagpakalat ng mga kaparaanan sa pamumuhay at edukasyon ng mga Europeo (mga taga-Europa) sa pagitan ng ika-16 at ika-20 mga daantaon. Umunlad ang kalinangang Europeo o kulturang Europeo na may isang masalimuot na sakop na pilosopiya, iskolastisismo at mistismong midyibal, at humanismong Kristiyano at sekular. Ang makatwirang pag-iisip ay umunlad sa pamamagitan ng isang mahabang panahon ng pagbabago at talatag (pormasyon) na may mga eksperimento sa pagkamulat, naturalismo, romantisismo, agham, demokrasya, at sosyalismo. Dahila sa kaugnayang pandaigdig, yumabong ang kulturang Europeo na kasamang lahat ang udyok na kumandili, umangkop, at sa pinakasukdulan ang makaimpluwensiya ng iba pang mga kalakarang pangkultura.

Ilan sa mga daloy ng kaisipan na nagbigay ng kahulugan sa makabaagong mga lipunang Kanluranin ay ang pagkakaroon ng pluralismong pampolitika, tanyag na mga subkultura (kabahaging mga kultura) o mga kontrakultura (mga pasalungat na kultura, na katulad ng mga kilusan ng Bagong Panahon), at tumataas na sinkretismo na nagresulta mula sa globalisasyon at migrasyong pantao.

Kalinangang tanyag

Ang kalinangang tanyag (Ingles: popular culture, pop culture), na tinatawag ding kalinangang bantog, kulturang popular, kulturang tanyag, kulturang bantog, kalinangang kinakatigan, o kulturang kilala, ay ang kabuuan ng mga ideya, mga pananaw, mga saloobin, mga meme, mga imahe, at iba pang mga penomeno na winawaring pinipili at tinatangkilik ayon sa isang impormal na konsensus sa loob ng pangunahing agos ng isang ibinigay na kalinangan, natatangi na ang sa kalinangang Kanluranin ng maaga hanggang kalagitnaan ng ika-20 daanton at ng lumilitaw at bumabangong pangunahing global na pangunahing daloy ng kultura noong hulihan ng ika-20 daantaon at kaagahan ng ika-21 daantaon. Ang kalipunang ito ng mga ideya, na mabigat na naimpluwensiyahan ng masa ng midya, ay tumatagos at lumalagpas sa pang-araw-araw na buhay ng lipunan.

Ang kalinangang tanyag ay kadalasang tinatanaw bilang pangkaraniwan at may kababaan ng antas (sa diwang "bakya" o hindi mataas ang uri) upang makahanap ng konsensuwal na pagtanggap sa kahabaan ng pangunahing daloy ng isang kultura. Bilang kinalabasan, sumailalim ito sa mabigat na kritisismo o pagbatikos ng sari-saring mga napakukunang wala sa pangunahing daloy ng kultura (higit na ang mga pangkat na panrelihiyon at mga pangkat na kontra-kultura) na humahatol dito bilang superpisyal, konsumerista, sensasyonalista, at may katangian ng korupsiyon o kabulukan.Ang katagang "kulturang popular" ay unang naimbento noong ika-19 daantaon o mas maaga pa upang tumukoy sa edukasyon at pangkalahatang "kakalinangan" o "kakulturahan" ng mga taong nasa mas mababang antas ng lipunan. Lumitaw rin ito isang talumpating ipinahayag sa Bulwagang Pambayan ng Birmingham sa Inglatera. Ang kataga ay nagsimulang kuhanin at ariin ang kahulugan na bilang isang kalinangan ng mga taong nasa mababang antas ng lipunan na nakahiwalay mula sa (at paminsan-minsang laban sa) tinataguriang "tunay na edukasyon" hanggang sa pagsapit ng hulihan ng daantaong iyon, isang paggamit na naging naitatag ng kapanahunang nasa pagitan ng mga digmaan. Ang pangkasalukuyang kahulugan ng kataga, isang kulturang para sa pagkonsumo ng masa o madla, iyong natatanging nagsimula sa Estados Unidos, ay nailunsad at tumatag sa pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa gawi sa wikang Ingles, ang popular culture ay pinaiiksi bilang pop culture o "kulturang pop" at "kalinangang pop", at ang naunang paggamit ay maipepetsang nasa dekada 1960.

Kaugalian

Ang kaugalian o tradisyon ay mga paniniwala, opinyon, kostumbre o mga kuwentong naisalin mula sa mga magulang papunta sa mga anak nila. Sa Pilipinas, isang halimbawa ng kaugalian ang paghalik sa kamay ng mga matatanda. Kaugnay ito ng mga salitang tradisyunal, pinagkaugalian o kinaugalian, simula, at pinamulihanan. Katumbas din ito ng diwang "pagsasalin ng ari-arian sa ibang tao". Ayon kay Jose Abriol, katumbas ang tradisyon ng pariralang sali't saling aral.

Kultura ng Pilipinas

Ang kultura ng Pilipinas o kalinangan ng Pilipinas ay pinaghalong impluwensiya ng mga katutubong tradisyon at mga kultura ng mga unang mangangalakal at mananakop nito noon. Ang pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sa pamamahala ng Mehiko, na tumagal ng mahigit 333 taon, ay may malaking kontribusyon sa Kultura ng Pilipinas. Ang Wikang Pilipino, na mas kadalasang kilala bilang Tagalog, ay maraming hiniram na salita galing Kastila. Karamihan sa mga pinagdiriwang na mga tradisyon ay magkahalong Kristiyano, Pagano, at iba pang lokal na seremonya. Bilang halimbawa, bawat taon, ang mga bayan sa buong bansa, ay nagsasagawa ng malalaking Pista, nagpapaalala sa mga Santong Patron ng mga bayan, barangay, o ng mga distrito. Ang mga Pista ay kadalasang may patimpalak sa katutubong pagsayaw, at sa ibang lugar ay mayroon pang sabungan. Ang mga ganitong tradisyon ay ginaganap din sa mga bansang nasakop ng mga Kastila. Sa katimugang bahagi ng bansa na karamihan ay mananalig Islam ay nagdiriwang din ng kanilang mga tradisyon at nakagawian.

Bago pa man dumating ang mga unang mananakop, ang mga mangangalakal galing sa India, Malaysia, Indonesia, Tsina at Hapon ay may malaking kontribusyon din sa Kultura ng Pilipinas. Ang Hinduismo at Budismo ay may impluwensiya sa mga katutubong paniniwala ng mga Pilipino bago dumating ang mga Kastila at ang mga mangangalakal na Muslim. Ang wikang Tagalog at iba pang wika sa Pilipinas ay maraming hiniram sa wikang Sanskrito. Isang mabuting halimbawa ang karma, na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan pa rin ng mga Pilipino. Marami sa mga pamahiin, hiniram na salita at pagkain, tulad ng pansit, siopao at iba pa ay minana sa mga mangangalakal na Tsino. Ang ibig sabihin ng kultura ay ang paraan ng pamumuhay ng mga tao nagpapakita ng kaugalian, tradisyon, mga sining, sistema ng edukasyon, musika at pamahalaan.

Mycenae

Ang Mycenae o Misenas (Griyego: Μυκῆναι Mykēnai o Μυκήνη Mykēnē; Kastila: Micenas) ay isang lugar na pang-arkeolohiya sa Gresya, na tinatayang nasa 90 km timog-kanluran ng Athens, sa loob ng hilaga-silangan ng Peloponnese. Ang Argos ay 11 km papunta sa timog; ang Corinth, 48 km pakanluran. Mula sa burol na kinalalagyan ng palasyo, matatanaw ang kahabaan mula sa Argolid hanggang sa Tangway na Saroniko.

Noong ika-2 milenyong BC, ang Mycenae ay isa sa pangunahing mga sentro ng kabihasnang Griyego, isang matibay na tanggulang pangmilitar (kuta) na nangibabaw sa katimugang Gresya. Ang kapanahunan ng kasaysayan ng Gresya magmula sa tinatayang 1600 BC magpahanggang sa 1100 BC ay tinatawag na Gresyang Miseno bilang pagtukoy sa Mycenae.

Sila ang pumalit sa kalinangang Minoano.

Ormoc

Ang Lungsod ng Ormoc (pagbigkas: or•mók) ay isang ika-1 lungsod sa lalawigan ng Leyte, Pilipinas. Hinango ang pangalan ng lungsod mula sa ogmok, isang matandang Bisayang katawagan para sa mga mababang malalim na lupain. Ito ang pinakaunang hindi-lalawiganing lungsod ng Pilipinas. Ayon sa senso noong 2007, ito ay may populasyon na 177,524 katao sa mga kabahayan. Ito ang sentrong pangkabuhayan, kalinangan, kalakalan at transportasyon sa kanlurang Leyte.

Pakikipagsapalaran

Naka-redirect ang "Pakikipagsapalaran" dito. Para sa ibang gamit, tingnan ang Pakikipagsapalaran (paglilinaw).Ang isang pakikipagsapalaran ay may kahulugan ng pagiging sabik o kauna-unahang karanasan; maaari rin itong lantaran at kadalasang may tokang mapanganib, kasama ang isang alanganing kakalabasan.

Pandaigdigang Pamanang Pook

Ang isang Pandaigdigang Pamanang Pook (Ingles: World Heritage Site) ay isang pook (tulad ng gubat, bundok, lawa, disyerto, bantayog, gusali, lungsod, atbp.) na itinala ng Kapisanang Pang-edukasyon, Pang-agham at Pangkultura ng mga Nagkakaisang Bansa (UNESCO) bilang pook na may natatanging kultural o pisikal na kahalagahan. Pinapanatili ang tala ng mga Pandaigdigang Pamanang Pook ng Komite sa Pamanang Pandaigdig, na binubuo ng 21 bansang inihalal mula sa kanilang Asemblea Heneral.

Panitikan

Sa pinakapayak na paglalarawan, ang panitikan o panulatan ay ang pagsulat ng tuwiran o tuluyan at patula na nag-uugnay sa isang tao. Subalit upang maipagkaiba ito mula sa ibang mga walang saysay na babasahin o patalastas lamang, ang mga panitikan ay ang mainam na pagsulat na may anyo, pananaw, at diwang nakasasanhi ng matagal na pagkawili at gana. Samakatuwid, may hugis, may punto de bista at nakapagpapahaba ng interes ng mambabasa ang isang sulating pampanitikan. Nagsasalaysay ng buhay, pamumuhay, lipunan, pamahalaan, pananampalataya at mga karanasang kaugnay ng iba't ibang uri ng damdaming tulad ng pag-ibig, kaligayahan, kalungkutan, pag-asa, pagkapoot, paghihiganti, pagkasuklam, sindak at pangamba. Ito ang isang dahilan kung bakit pinag-aaralan ang larangan ng literatura sa mga paaralan. Ang Iliad ni Homer, ang isang halimbawa ng mga mabuting likhaing pampanitikang kanluranin, maging ang Aeneid ni Vergil.

Pista

Ang mga pista ay ang araw na bininukod ng isang bansa o kultura (sa ibang kaso, maraming bansa at kultura) para sa pagdiriwang ngunit kadalasang para sa ibang uri ng espesyal na malawakang-kultura (o pambansa) na gawain o obserbasyon.

Sa huling bahagi ng ika-20 siglo, unti-unting inaayunan ang Sabado bilang pista ganun din ang Linggo.

Tanghalan

Ang bulwagan, dulaan , tanghalan o teatro ay ang sangay ng ginaganap na sining na may kinalaman sa pag-arte ng mga kuwento sa harap ng mga nakikinig na ginagamit ang magkahalong salita, galaw, musika, sayaw, tunog at panooring kahangahanga—tunay nga na isa o higit pa na sangkap ng ibang gumaganap na sining. Karagdagan pa sa mga pamantayang istilo ng diyalogo, kinukuha ng teatro ang iba pang anyo tulad ng opera, ballet, mime, klasikong sayaw ng mga Indiyan, opera ng mga Tsino at pantomine.

Uri ng musika

Ang uri ng musika (Ingles: music genre) ay isang sanga sa musika at nagpapaalam kung anong uri ng musika ang isang awitin o kanta.

Ang lathalaing ito na tungkol sa Musika at Kalinangan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.

Sa ibang wika

This page is based on a Wikipedia article written by authors (here).
Text is available under the CC BY-SA 3.0 license; additional terms may apply.
Images, videos and audio are available under their respective licenses.