Baroque

Ang baroque ay madaling naiisip bilang isang estilong gumamit ng masidhing galaw, malinaw at madaling mainterpreta na detalye sa drama, tensiyon, kasaganaan, at kadakilaan sa larangan ng paglililok, pagpipinta, arkitektura, literatura, pagsayaw, teatro at musika. Nagsimula ito sa Roma, Italya noong 1600 at naging laganap sa halos kabuuan ng Europa. Mula sa Roma, lumaganap ito sa Pransiya, hilagang Italya, Espanya at Portugal, hanggang sa Austria at timog Alemanya. Sinundan nito ang estilong Renasimyento at sinundan ng estilong Neoklasiko. Pagdating ng mga 1730, lumago ito sa lalong mabulaklak na uri, na tinatawag na rocaille o Rococo, na lumitaw sa Pransiya at gitnang Europa hanggang sa ika-18 siglo.

Ang kasikatan at tagumpay ng istilong Baroque ay pinatibay ng Simbahang Katoliko na pinasyahan sa ilalim ng pamamalakad ng Konseho ng Trento bilang tugon sa Repormang Protestante, bagaman sumibol din ang baroque na sining Luterano. Sinabi nitong ang sining ay dapat magpahayag ng relihiyosong mga tema sa tuwid at emosyonal na pakikisama. Ang aristokrasya ay naging saksi rin sa dramatikong istilo ng arkitektura at sining ng Baroque sa pag-akit ng panauhin at paghayag ng tagumpay, kapangyarihan at pamumuno. Ang mga palasyo nito ay itinayo sa paligid ng mga patyo, malalaki at engrandeng hagdanan at mga tanggapan na sunud-sunod ayon sa yaman. Gayunpaman, ang baroque ay tumaginting at nagamit nang higit pa sa simpleng pagbabawas sa anumang panahon o istilo.

Ang salitang Pranses na baroque ay hango sa salitang Portuges na barroco o sa Espanyol naman ay barrueco na tumutukoy sa isang "magaspang o hindi perpektong perlas." Kung ito ay pumasok sa wika sa pamamagitan ng Latin, Arabe, o sa ibang wika, ang pinagmulan nito ay hindi tukoy. Ito rin ang nagbigay-daan sa barroco ng Italya, barock ng Alemanya, barok ng Olanda, at ilan pa. Ang ika-11 edisyon Encyclopædia Britannica ng 1911 ay nagsasabing ang terminolohiyang ito ay nahango sa barrueco ng Espanya, isang malaki at iregular na hugis ng perlas, na itinago sa kasanayan ng mga mag-aalahas. Ayon naman sa iba, hinango ito sa terminong mnemonic na baroco, marahil sa anyo ng silogismo sa scholastica. Ang salitang-ugat ng Latin nito sa makikita sa bis-roca.

Ang Simbahan ni San Nicolas sa Malá Strana sa Prague ay tinatag noong 1703 sa ilalim ng pamumuno ng arkitektong Baroque na si Christoph Dientzenhofer.

Tingnan din

Andrés Segovia

Si Andrés Segovia Torres, Unang Marquis ng Salobreña (binibigkas na [anˈdɾes seˈɣoβja ˈtores]) (21 Pebrero 1893 – 2 Hunyo 1987), na mas nakikilala bilang Andrés Segovia lamang, ay isang birtuwosong Kastilang gitaristang klasikal mula sa Linares, Jaén, Andalucia, Espanya. Siya ang ama ng modernong gitarang klasikal. Halos lahat ng mga prupesyunal na gitaristang klasikal sa kasalukuyan ay mga estudyante ni Segovia, o mga estudyante ng kaniyang mga naging estudyante.Ang mga ambag ni Segovia sa repertoryong moderno at romantiko ay hindi lamang kinabibilangan ng mga kumisyon subalit pati na rin ng kaniyang sariling mga transkripsiyon ng mga akdang klasikal o barok (baroque). Naaalala siya dahil kaniyang mapagpahayag na mga pagtatanghal: ang kaniyang malawak na paleta ng tono, at ang kaniyang kakaibang katauhan mapangtugtugin, pagpapariralang pangtugtugin at estilo.

Antonio Vivaldi

Si Antonio Lucio Vivaldi - pagbigkas sa wikang Italyano: [anˈtɔːnjo ˈluːtʃo viˈvaldi] - (4 Marso 1678 – 28 Hulyo 1741), na may palayaw na il Prete Rosso ("Ang Pulang Pari") dahil sa kaniyang pulang buhok, ay isang Italyanong kompositor ng musikang Baroque, paring Katoliko, at biyolinistang birtuoso, na ipinanganak sa Venice. Kinikilala bilang isa sa pinakamahusay na mga kompositor ng tugtuging Baroque, laganap sa Europa ang kaniyang impluwensiya noong panahon ng kaniyang buhay. Pangunahing nakikilala si Vivaldi dahil sa paglikha ng mga konsiyertong pang-instrumento lamang, natatangi na ang para sa biyolin, pati na mga akdang pangkorong banal at mahigit sa apatnapung mga opera. Ang kaniyang pinakakilalang akda ay ang isang magkakasunud-sunod na mga konsiyertong pambiyolin na tinawag na Ang Apat ng mga Panahon. Pinaniniwalaan na siya ang imbentor ng pormang tinatawag na ritornello. Bawat isa sa mga konsiyerto o concerto ay naglalaran ng isang panahon: Tagsibol, Tag-init, Taglagas, at Taglamig. Napakatanyag niya dahil sa mga kumposisyong na para sa plautang piccolo, katulad halimbawa ng Il gardellino.

Marami sa kaniyang mga kumposisyon ang isinulat para sa pangkat ng mga manunugtog na pambabae ng Ospedale della Pietà, isang tahanan para sa mga batang inulila kung saan naghanapbuhay si Vivaldi magmula 1703 magpahanggang 1715 at mula 1723 hanggang 1740. Nagkaroon din si Vivaldi ng ilang pananagumpay sa pagtatanghal ng kaniyang mga opera sa Venice, Mantua at Vienna. Pagkaraang makatagpo si Emperador Charles VI, lumipat si Vivaldi sa Vienna, na umaasa ng pagkakataas o pag-asenso. Ang Emperador ay namatay pagdaka pagkaraan ng pagdating ni Vivaldi.

Bagaman ang tugtugin ni Vivaldi ay naging katanggap-tanggap ng mga tao noong siya ay nabubuhay, bumaba paglaon ang katanyagan nito hanggang sa naging masigla ang panunumbalik nito noong unang hati ng ika-20 daantaon. Sa ngayon, nakahanay si Vivaldi sa piling ng pinakabantog at malawakang nirerekord na mga kumpositor ng musikang Baroque.

Arkitekturang Baroque

Ang arkitekturang Baroque ay isang estilo ng pagtatayo ng mga gusali noong panahong Baroque, na nagsimula sa dulo ng ika-16 na siglo sa Italya, na umayon sa bokabularyong Romano ng arkitekturang Renasimiyento at ginamit sa isang bagong estilong pangretorika at panteatro, na madalas na isalamin ang pagtatagumpay ng Simbahang Katolika. Kinatatangian ito ng mga bagong pagtuklas sa hulma, liwanag at anino, at dramatikong sidhi. Ang madadalas na katangian ng arkitekturang Baroque ay malalakihang proporsiyon; isang malaking bukas na sentral na espasyo kung saan lahat ay makakakita ng dambana; pulupot na mga haligi, mala-teatrikong pagsambulat, kasama ang ilaw na nagmumula sa kupola sa itaas; dramatikong epekto sa loob sa pamamagitan ng tanso at pagtutubog; kumpol ng mga inukit na anghel at iba pang piguro sa ibabaw; at masaklaw na paggamit ng trompe-l'oeil, na tinatawag ding "quadratura," na pinta ng mga detalyeng pang-arkitektura sa mga dingding at kisame, upang lalong lumakas ang epektong pangdramatiko at panteatriko.Kaiba sa Renasimyento na humalaw ng yaman at kapangyarihan sa mga korte ng Italya at halong mga puwersa ng sekular at relihiyoso, ang Baroque, ay sa una, tuwirang nakaugnay sa Kontra-Reporma, isang kilusan sa loob ng Simbahang Katolika na tumuligsa sa Repormang Protestante. Ang arkitekturang Baroque at ang mga pampaganda ay sa isang banda mas naging malapit sa mga damdamin at sa isang banda, isang litaw na pagpapakita ng yaman at kapangyarihan ng Simbahang Katolika. Naisabuhay ang bagong estilong ito partikular sa kinalalagyan ng mga bagong ordeng relihiyoso, gaya ng mga Teatino at ng mga Heswita na naglayon sa pagpapaunlad ng relihiyosong pagpapakabanal.

Ang baroque na sining Luterano, gaya ng sa Dresden Frauenkirche (1726-1743), ay umusbong bilang konfesiyonal na tanda ng pagkakakilanlan, tugon sa Dakilang Pagwasak ng mga Bulto ng mga Calvinista.Ang arkitektura ng Mataas na Romanong Baroque ay mauugnay sa pamumuno nina Urbano VIII, Inocencio X, at Alejandro VII, mula 1623 hanggang 1667. Tatlong pangunahing arkitekto ng panahong ito ay ang manlililok na si Gianlorenzo Bernini, Francesco Borromini, at ang pintor na si Pietro da Cortona na nagpaunlad ng kani-kaniyang natatanging indibidwal na arkitektural na pagpapahayag.

Ang pagpapakalat ng arkitekturang Baroque sa timog Italya at nakapagbuo ng mga kaibahang rehiyonal gaya ng Sicilianong Baroque o ng Napoles at Lecce. Sa hilaga, ang mga Teatinong arkitekto na sina Camillo-Guarino Guarini, Bernardo Vittone, at Filippo Juvarra na tubong Sicilia ay nakapag-ambag sa mga gusaling Baroque ng lungsod ng Turino at rehiyong Piemonte.

Isang pagsasanib ng mga arkitektura nina Bernini, Borromini, at Cortona ay makikita sa huling arkitekturang Baroque ng hilagang Europa na nagbigay-daan sa mas mapalamuti na estilong Rococo.

Sa kalagitnaan ng ika-17 siglo, ang estilong Baroque ay nakatagpo ng mga sekular na pagpapahayag sa porma ng mga dakilang palasyo, na nagsimula sa Pransiya—gaya ng Château de Maisons (1642) malapit sa Paris ni François Mansart—at saka sa buong Europa.

Sa ika-17 siglo, kumalat ang arkitekturang Baroque sa Europa, Amerikang Latino, at Pilipinas, na kung saan tiyak na pinalaganaap ito ng mga Heswita

Arkitekturang Renasimiyento

Ang arkitekturang Renasimiyento ay ang arkitekturang Europeo sa panahon sa pagitan ng ika-14 at naunang ika-17 siglo sa iba't ibang rehiyon, nagpapakita ng malay na pagbuhay at pagpapaunlad ng ilang elemento ng mga kaisipan at materyal na kultura mula sa sinaunang Gresya at Roma. Sa estilo, sumunod ang arkitekturang Renasimiyento sa arkitekturang Gotiko at sinundan ng arkitekturang Baroque. Nagsimula sa Florencia, bilang si Filippo Brunelleschi bilang isa sa mga nakalikha, ang estilong Renasimiyento ay mabilis na kumalaat sa ibang lungsod ng Italya. Naipadala ang estilo sa Pransiya, Alemanya, Inglatera, Rusya, at iba pang bahagi ng Europa sa iba-ibang panahon at may iba-ibang bigat ng epekto.

Mabigat ang diin ng estilong Renasimiyento sa simetriya, proporsiyon, heometriya at regularidad ng mga bahagi, gaya ng pagpapakita sa arkitektura ng klasikong antigo at partikular sa sinaunang arkitekturang Romano, na kung saan maraming labi at guho ang sinuri. Ang masusing pagkakaayos ng mga haligi, pilastra, at dintel, pati na rin sa paggamit ng mga semisirkulong mga arko, hemisperong lungaw, ornasina, at edikulo ang pumalit sa lalong komplikadong sistemang pamproporsiyon at iregular na hitsura ng mga gusaling mediebal.

Barok (paglilinaw)

Maaaring tumukoy ang Barok sa:

Barok, ang mga maiikling komiks (comic strip) na nilikha ni Bert Sarile;

Si Barok, ang pangunahing karakter sa komiks na iyon;

Barok, ang awiting Barok na inawit ni Menggoy Abat na batay din sa komiks;

Barok, ang pelikula na batay sa komiks;

Barok, ang taong nagsasalita na parang taong-bundok;

Baroque

Istilong Baroque, ang istilo ng sining na kumalat sa Europa;

Tugtuging Barok, istilo ng musika sa Europa;

Panahong Barok

Arkitekturang Barok

Christina, Reyna ng Sweden

Si Christina ng Sweden (Suweko: Kristina Augusta; 18 Disyembre [Lumang Estilo 8 Disyembre] 1626 – 19 Abril 1689), na sa lumaon ay umangkin ng pangalang Christina Alexandra, ay ang Reynang pinuno ng Sweden mula 1633 hanggang 1654, na gumamit ng mga pamagat na Reyna ng mga Suweko, mga Goth at mga Bandalo, Dakilang Prinsesa ng Pinlandiya, at Dukesa ng Ingria, Estonia, Livonia at Karelia. Siya lamang ang tanging ang dating natitira pang tunay na anak ng haring si Gustav II Adolph at ng kaniyang asawang si Maria Eleonora ng Brandenburgo. Bilang ipinapalagay na tagapagmana, siya ang humalili sa trono ng mamatay ang kaniyang ama, habang si Christina ay anim na taong gulang pa lamang; namatay ang kaniyang ama habang nakikilahok sa Labanan ng Lützen. Bilang isang anak na babae ng isang kampeon ng Protestantismo noong panahon ng Tatlumpong Taong Digmaan, nagdulot siya ng isang iskandalo nang nagbitiw siya sa tungkulin at iniwan ang trono upang maging isang Katoliko Romano noong 1654. Sa loob ng panghuling bahagi ng kaniyang buhay, siya ay naglagi sa Roma at naging isang pinuno ng tanghalan at musika. Bilang isang reynang walang bansa, pinrutektahan niya ang maraming mga artista at mga proyekto. Isa siya sa mangilan-ngilang mga babae na inilibing sa groto ng Batikano.

Si Christina ay sumpungin, matalino, at mahilig sa mga aklat at mga manuskrito, relihiyon, alkemiya, at agham. Ninais niya na ang Stockholm ay maging "Atenas ng Hilaga". Dahil sa impluwensiya ng Kontra-Repormasyon, tumaas ang kaniyang pagkaakit sa kulturang Baroque at Mediteraneo na naging sanhi ng kaniyang paglisan mula sa kaniyang bansang Protestante. Ang kaniyang hindi pangkaugaliang estilo ng pamumuahay at panlalaking pananamit at pag-uugali ay magiging tampok sa hindi mabilang na mga nobela, mga dula, mga opera, at mga pelikula.

Gian Lorenzo Bernini

Si Giovanni Lorenzo Bernini (ipinanganak sa Naples, 7 Disyembre 1598 – namatay sa Roma, 28 Nobyembre 1680), na mas nakikilala bilang Gianlorenzo Bernini, Gian Lorenzo Bernini, o Giovanni Lorenzo, ay isa sa pinakamahusay na artista ng sining noong kapanahunan ng Barok sa Italya. Naging tanyag siya dahil sa kaniyang mga lilok at sa kaniyang arkitektura. Mula 1527, nagtrabaho siya para kay Papa Urbano XIII at pagkaraan ay para kay Papa Alejandro VII sa Basilika ni San Pedro, kung saan niya idinisenyo ang bantog na piazza ("lugar") na nasa harapan ng basilika at ang maraming mga kahanga-hangang bagay na nasa loob nito. Pangunahin siyang naghanapbuhay sa Italya lamang. Siya ang nangungunang manlililok noong kaniyang kapanahunan, at sa kaniya ikinakabit ang paglikha ng estilo ng eskulturang Barok (Baroque o Baroko). Bilang karagdagan, nagpinta rin siya ng mga larawan, nagsulat ng mga dula, at nagdisenyo ng mga akdang-metal at mga bagay na panglagay sa entablado.

Harmoniya

Ang kaayusan, pagkakabagay, kalawilihan, tugmaan, ugmaan, pagkakatugma, pakikitungo, tugunan, pagkakasundu-sundo, pagkakaugnayan, magandang ugnayan, armonya, harmoniya, armoniya, harmonya, katuyagan, kaakordehan, pagkakamayaw o kamayawan ng mga nota ay ang pagtutugtog ng ilang mga nota na magkakasama upang makagawa ng "bagting" o "kuwerdas", na may ibig sabihing tatlo o higit pang sabay-sabay na mga notang kaaya-aya ang kumbinasyon. Ang salitang Griyegong harmonia na kaugnay ng Ingles na harmony ay nangangahulugang "pagsasama-sama ng mga bagay". Ang isang himig ay maaaring may maayang tunog sa sarili lamang nito, subalit mapagtutugma-tugma ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga akumpanyamento (dagdag, kasama, o kasahog) ng mga bagting. Harmonisasyon ang tawag sa pag-aaral kung paano ito gawin. Napag-aaralan ng mga estudyante kung alin mga kuwerdas ang kaaya-aya pagkaraan ng pagtutugtog ng isa na susundan pa ng isa o iba pa. Tinatawag itong "mga progresyon ng mga bagting" o "pagkakasunud-sunod ng mga kuwerdas". Maraming mga teorista ng musika ang nagsulat ng mga aklat tungkol sa harmoniya.

Ang tugtuging binubuo ng isang himig na may harmoniya sa ilalim nito ay tinatawag na "homoponiko". Sa isang paraan, ito ang kabaligtara ng poliponiko na nangangahulugang bawat isang bahagi (bahagi tinig) ay isang himig talaga. Subalit, maging ang poliponiya ay kailangang gumawa ng kaaya-ayang harmoniya. Ang harmoniyang nakikilala natin sa ngayon sa musikang Europeo ay naging talagang maunlad pagsapit ng kapanahunan ng tugtuging Barok (Baroque music) noong ika-17 daangtaon.

Makatutugtog ang isang manunugtog ng isang kuwerdas na may tatlong mga nota na ginagamit ang una, ikatlo, at ikalimang mga nota ng iskala ng anumang susing kinapapalooban ng musika. Nagbibigay ito ng isang kuwerdas na may tunog na katulad ng "tahanang kuwerdas". Nangangahulugan ito na hindi bababa sa tatlong mga nota ang kailangan para sa harmoniya. Sa karamihan ng musikang homoponiko, mayroong apat na kasama: halimbawa, ang isang koro o kantores ay pangkaraniwang hahatiin sa soprano, alto, tenor, at baho (bass); at ang kuwartet ng mga instrumentong may bagting ay mahahati sa biyolin 1, biyolin 2, biyola, at tselo.

Ang harmoniyang gumagamit lang mga nota ng susi (iyong gumagamit lang ng puting mga nota mula sa mayor na C) ay tinatawag na "harmoniyang tonal" o "harmoniyang pangtono". Samantala, ang harmoniyang nagdaragdag ng maraming mga dagdag o ekstrang mga notang matatalim o mahayag (sharp, #) at mga notang sapad o pipis (flat) ay tinatawag na "haromiyang kromatiko".

Ang harmoniya ay maaari ring maging "atonal" o "walang tono" o "wala o kulang sa sentrong tono o susi", katulad ng ilang mga tugtugin ni Arnold Schoenberg.

Janson

Ang Janson ay ang pangalan na binigay para sa isang pangkat ng mga lumang estilong pamilya ng tipo ng titik mula sa panahon ng Baroque ng Olandes, at mga makabagong muling pagbabalik mula sa ika-20 siglo. Ang Janson ay isang sariwa at relatibong mataas na kontrast na disenyong serif na sikat sa katawang teksto.

Johann Christoph Bach

Si Johann Christoph Bach (16 Hunyo 1671 – 22 Pebrero 1721) ay isang Alemang musikero at kompositor. Siya ang mas nakatatandang kapatid na lalaki ng mas tanyag na Alemang musiko at kompositor na si Johann Sebastian Bach. Si Johann Christoph ay ipinanganak sa Erfurt, kung saan siya ay nag-aral sa ilalim ni Johann Pachelbel, at ang kaniyang aklatan ng musikang pangteklado ay kinabibilangan ng mga akda ni Pachelbel, Johann Jakob Froberger at Johann Kaspar Kerll. Noong 1690, siya ay naging isang organista sa Michaeliskirche na nasa Ohrdruf, at noong 1694 ay nagpakasal siya roon. Namatay siya sa Ohrdruf sa gulang na 49.

Johann Sebastian Bach

Si Johann Sebastian Bach (Marso 21, 1685 (O. S.) – Hulyo 28, 1750 (N. S.) ay isang Aleman na kompositor at organista ng panahong Baroque. Itinuturing siya na isa sa mga dakilang kompositor. Ang kanyang mga gawa, tanyag dahil sa kanilang intelektual na lalim (intellectual depth), teknikal na galing (technical command), at masining na ganda (artistic beauty), ay nagbigay ng inspirasyon sa halos lahat ng musiko sa tradisyong Europeo, mula kay Mozart hanggang kay Schoenberg.

Kawanggawang Romano

Ang Kawang-gawang Romano (Ingles: Roman Charity, Latin: Carità Romana) ay ang kahanga-hangang kuwento ng isang anak na babae, si Pero, na palihim na nagpasuso ng kanyang amang si Cimon, pagkaraang siya ay masentensiyahan at mapiit hanggang sa kamatayan sa pamamagitan ng pagkagutom. Natuklasan ng isang tagapagbilanggo si Pero, ngunit ang kanyang kilos ng hindi pagdaramot ay nakapagpamangha ng mga opisyal at napanalunan niya ang paglaya ng kanyang ama.Naitala ang kuwento sa Siyam na mga Aklat ng Hindi Malilimutang mga Gawain at mga Kasabihan ng Sinaunang mga Romano (De Factis Dictisque Memorabilibus Libri IX) ng sinaunang Romanong historyador na si Valerius Maximus, at ipinirisinta bilang isang dakilang gawain ng paggalang ng isang anak at karangalang Romano. Isang dibuho sa Templo ni Pietas ang naglarawan sa eksenang ito. Sa mga Romano, ang tema ay may alingawngaw ng pagpapasuso ni Juno sa nasa edad nang si Herkules, isang mitong Etruskano.Noong ika-17 at ika-18 mga daantaon, maraming mga tanyag na artista ng sining na Europeo ang naglarawan ng eksena. Pinaka namumukod-tangi ang pagpipinta ng ilang mga bersyon nito ni Peter Paul Rubens. Ang dibuhista ng Baroque na si Caravaggio ay nagtampok din ng gawaing ito (kasama ng iba pa) sa kaniyang mga akda magmula 1606, Ang Pitong mga Gawain ng Awa. Mas banayad ang mga paglalarawang Neoklasikal.Sa bantog na dibuho ni Jan Vermeer na Ang Araling Musika, makikita sa likuran ang isang dibuho ng Karidad Romano (Awang Romano), na umaayon sa kanyang nakasanayang paglalagay ng mga dibuho sa loob ng mga dibuho.Para sa isang kathang-isip na kuwento ng Kawang-gawang Romano sa ika-20 daantaon. tingnan ang Mga Ubas ng Pagkamuhi (1939) ni John Steinbeck. Sa katapusan ng nobelang Rose of Sharon ("Rosas ni Sharon"), inalagaan ni Rosasharn ang isang may sakit at nagugutom na lalaki sa isang sulok ng isang kamalig-baysa (tambubong).

Kompositor

Ang kompositor (Latin com+ponere, literal na "taong nakabubuo") ay ang taong lumilikha ng musika. Ang pinakamahalagang kahulugan ng termino ay tumutukoy sa mga indibidwal na nakapag-ambag sa tradisyong musikang klasikal ng mga taga Kanluran, sa paglikha ng mga gawang napapahayag sa mga nasusulat na notasyong musikal. Sa malawakang paggamit, "ang kompositor" ay may kakayahang magtalaga ng taong makikibahagi sa ibang tradisyon ng musika, pati na rin yung mga taong lumikha ng musika sa pamamagitan ng ibang nasusulat na notasyon: halimbawa, sa pamamagitan ng improbisasyon, pagrerekord, at pag aayos. Sa popular na mga kategorya ng musika, ang mga musikong lumikha ng mga bagong awitin ay karaniwang tinatawag na mga manunulat ng kanta.

Dahil hindi kumpletong naihahayag nang pagsulat ang kabuuan nang anyo ng musika, malawak ang posibilidad na maipakita nang magtatanghal kung paano malalaman ang isang natapos na porma . kahit na sa klasikong piyesa ng musikang instrumental sa lahat ng melodiya, chords, at basslines ito isinusulat, ang magtatanghal ay may malawak ng kalayaan sa pag daragdag ng sarili niyang malikhaing interpretasyon sa pagiiba nang artikulasyon at linya.

Sa pagpili ng kung gaano ka haba ang fermata o paghinto, at sa kaso ng bowed string, woodwinds o brass instruments, sa pagdesisyon na kung paano ihahayag ang epekto sa vibrato o portamento. Ang musika na ginawa sa Baroque era, partikular sa mabagal na tiempo, ay mas madalas na isinusulat nang mas hayag na balangkas, kasama na dito ang ekspektasyon ng pagdaragdag nang improvise ornaments sa linya ng melodiya sa kasalukuyang pagtatanghal. Sa pagkalipas ng panahon nababawasan ang kalayaan, nasasalamin sa pag-angat ng paggamit ng kompositor sa mas detalyadong pagsulat nito, kabilang na dito ang ekpresyon na pagmarka na nagsasabi na kung papaano ito gagawin ng wasto.

Ang kultura ay umunlad sa tapat na pagsulat ng kompositor ayon sa intensyon na mataas ang pagtingin sa kahalagahan na ito. Ang kultura sa musika na ito ay halos kaugnay ng mataas na pagpa-pahalaga(bordering o veneration) na kung saan ang mga nangungunang klasikal na kompositor ay madalas na isinasagawa sa pamamagitan ng nagtatanghal.

Salin sa Filipino mula sa: https://en.wikipedia.org/wiki/Composer

Ang lathalaing ito na tungkol sa Tao at Musika ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.

Kumbento ng Edelstetten

Ang Kumbento ng Edelstetten ay dating kumbentong Kanonissenstift na matatagpuan sa koordinadong 48°17′N 10°22′E sa lungsod ng Edelstetten, isang bayan ng Neuburg an der Kammel sa Bavaria, Alemanya. Nasa diyosesis ng Augsburg ang kumbento at nasa lambak ng Ilog Haselbach.

Isang sa mga natatanging istilong baroque (Swabian Baroque) ang mga gusali nito sa distrito ng Günzburg.

Musikang Baroque

Tungkol ito sa estilo ng musika. Para sa tauhang pangkomiks, pumunta sa Barok (komiks). Puntahan din ang Barok (paglilinaw).Ang Musikang Baroque (Espanyol: Barroco) ay ang estilo ng tugtuging klasiko sa Europa mula noong 1600 magpahanggang 1750. Ang kapanahunang ito ay nagsimula pagkaraan ng tugtugin ng Renasimyento at nasundan ng panahong Klasiko. Ang salitang baroque ay nagbuhat sa salitang Portuges na barroco, na may ibig sabihing "perlas na may pangit na hugis", isang nakakakintal at naaangkop na paglalarawan ng arkitektura ng panahong ito; nang lumaon, ang pangalan ay naging ginagamit na rin sa musika ng panahong ito. Bumubuo ang musikang Baroque ng pangunahing bahagi ng kanon ng musikang klasiko, dahil malawakang pinag-aaralan, tinutugtog, at pinakikinggan. May kaugnayan ito sa mga kompositor na katulad nina Johann Sebastian Bach, George Frideric Handel, Alessandro Scarlatti, Antonio Vivaldi, Jean-Baptiste Lully, Arcangelo Corelli, Claudio Monteverdi, Jean-Philippe Rameau at Henry Purcell. Natanaw ng kapanahunang Baroque ang pag-unlad ng katungkulan ng tono. Habang nasa panahong ito, gumamit ang mga kompositor at mga tagapagtanghal ng mas mabusising o kumplikadong mga ornamentasyong pangmusika, gumawa ng mga pagbabago sa notasyong pangmusika, at nagpaunlad ng bagong mga teknik sa pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika. Lumawak ang sukat, sakop, at kasalimuotan ng pagtatanghal ng mga instrumento ng musikang Baroque, at naglunsad din ng opera bilang uri o henero ng tugtugin. Maraming mga salita o katawagang pangmusika at mga diwa o konsepto ang ginagamit pa rin magpahanggang ngayon.

Sa ibang diwa ang Baroque ay maaari ring tumukoy sa "estilo o sining noong unang panahon sa Europa na kinakikitaan ng mga makurbada, malalantik, magagarbo at mapapalabok na mga disenyo" katulad ng sa arkitektura.

Nick Joaquin

Si Nicomedes Márquez Joaquín, na kinikilala ng karamihan bilang Nick Joaquin, ay isang Pilipinong manunulat, mananalaysay ng kasaysayan at mamamahayag at kilala sa pagsusulat ng mga maikling kuwento at nobela sa wikang Inggles pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa maraming karanasan noong panahon ng digmaan, ang paksa ng kanyang mga tula ay iba-iba ukol sa makatotohanan at buhay na buhay kaya malapit sa karanasan ng mga mambabasa. Kinikilala rin siyang Quijano de Manila bilang pangalang-panulat.

Siya ay ipinalalagay na isang higante sa larangan ng pagsusulat. Ang wika ng kanyang panulat ay malambing at masining.

Rococo

Ang Rococo, malimit na tinatawag bilang roccoco o "Huling Baroque", ay isang marangyang mapalamuting estilong Europeo noong ika-18 siglo na naging huling pagpapahayag ng kilusang baroque.. Sagad-sagarang itinulak nito ang mga prinispyo ng ilusyon at teatralidad, epekto na nakuha ng siksik na palamuti, asimetriya, lusaw na mga kurba, at ang paggamit ng puti at mga kulay pastel na hinahaluan ng pagtubog, na kung saan hinahalina ang mata sa lahat ng direksiyon. Nangibabaw ang palamuti sa espasyong arkitektural.Ang estilo ng Rococo sa arkitektura at palamuti ay nagsimula sa Pransiya sa unang bahagi ng ika-18 siglo sa pamumuno ni Luis XV bilang tugon sa mas pormal at heometrikong Estilong Luis XIV. Kinilala ito bilang style rocaille o estilong rocaille. Mabilis itong kumalat sa ibang bahagi ng Europa, partikular sa Bavaria, Austria, Alemanya, at Rusya. Naimpluwensiya rin nito ang ibang sining, lalo na sa pagpinta, paglilok, panitikan, musika, at teatro. Ginamit ng mga artistang Rococo ang mga temang palabiro, mapaglaro, mabulaklak, at marangal bilang pagsusog sa Baroque. Ang palamuting panloob ng mga silid ng Rococo ay dinisenyo bilang buong likhang-sining na may mga elegante at mapalamuting mga muwebles, maliliit na eskultura, palamuting mga salamin, at tapiseriya na dumaragdag sa arkitektura, mga reliebe, at pinta sa dingding. Naimpluwensiyahan din ito ng chinoiserie at minsan ay nagsama ng mga pigurang Tsino at mga pagoda.

Simbahang Katolika Romana

Ang Simbahang Katolika Romana o Simbahang Katolika (o Simbahang Katoliko) ay isang Kristiyanong simbahan na nasa buong kapisanan kasabay ng Obispo ng Roma, na kasalukuyan ay ang Santo Papa, si Francisco I. Gaya ng ibang mga denominasyon ng Kristiyanismo, binabakas ng Simbahang Katoliko Romano ang pinagmulan nito sa orihinal na pamayanang Kristiyano na itinatag ni Hesus at ipinalaganap ng mga Labindalawang Apostol, partikular na si San Pedro.Ang Simbahang Katoliko Romano ay ang pinakamalaking simbahang Kristiyano, na nagkakatawan sa kalahati ng lahat ng mga Kristiyano, at ang pinakamalaking organisadong unit ng anumang pananampalataya sa mundo. Ayon sa Statistical Yearbook of the Church, ang bilang ng nakatalang pandaigdigang kasapi ng Simbahang Katoliko sa katapusan ng 2005 ay 1,114,966,000, na malapit sa ika-anim na bahagi ng populasyon ng mundo.Ang pandaigdigang Simbahang Katoliko ay binubuo ng isang Latin o Kanluranin at 22 Silanganing Katolikong awtonomong simbahang partikular, kung saan lahat ay tumitingala sa Papa, na mag-isa o kasama ng Kolehiyo ng mga Obispo, bilang kanilang pinakamataas na autoridad sa daigdig sa mga paksa ng paniniwala, mga asal at ng pansimbahang pamamahala. Nakahati ito sa mga nasasakupang pook, karaniwan sa batayang teritoryal. Ang pamantayang teritoryal na yunit ay itinatawag na diyosesis sa simbahang Latin at eparkiya sa mga Silanganing simbahan. Ang bawat diyosesis o eparkiya ay nasa pamumuno ng isang obispo, patriyarka o eparko. Sa katapusan ng 2006, ang buong bilang ng lahat ng itong mga nasasakupang pook ay 2,782.

Écija

Ang Écija (pagbigkas sa wikang Kastila: [ˈeθixa]) ay isang lungsod sa lalawigan ng Sevilla, Espanya. Ito ay nasa kanayunan ng Andalucía, sa layong 85 kilometro silangan ng lungsod ng Sevilla. Ayon sa senso noong 2008, mayroong kabuuang 40,100 katao ang Écija, kaya ito ang panlimang pinakamataong lungsod sa lalawigan. Dumadaloy sa pook urbano ng lungsod ang Ilog Genil, ang pangunahing sangang-ilog ng Ilog Guadalquivir.

Nakabatay ang ekonomiya ng Écija sa agrikultura (mga olibo, angkak at gulay), cattle (mga baka at kabayo) at industriyang tela. Mayroong higit na dalawampung mga simbahan at kombento ang lungsod, ilan sa mga ito ay may mga tore o bell-gable na Gotiko, Mudéjar, Renasimiyento o Baroque, gayon din ang isang kutang Arabe.

Sa Pilipinas, ang lalawigan ng Nueva Ecija na itinatag ni Gobernador Fausto Cruzat y Góngora bilang isang comandancia militar noong 1705, ay ipinangalan mula sa lungsod na ito.

Sa ibang wika

This page is based on a Wikipedia article written by authors (here).
Text is available under the CC BY-SA 3.0 license; additional terms may apply.
Images, videos and audio are available under their respective licenses.