Aklat ng Genesis

Ang Henesis o Genesis[1] (Griyego: Γένεσις, kahulugan: "pagkasilang", "paglikha", "sanhi", "simula", "pinaghanguan", "ugat", o "pinagmulan") ay ang unang aklat ng Torah, Tanakh at ng Kristiyanong Lumang Tipan. Tinatawag din itong Unang Aklat ni Moises, ayon sa tradisyong Hudyo, dahil pinaniniwalaang sinulat ito ni Moises. Laganap na pananaw na Abramahiko na inspirado ito ng "Banal" o "isinulat mismo ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao," kaya pinaniniwalaan ring may tiyak na katotohanan at walang pagkakamali ang aklat na ito.

Sa Ebreo (o Hebreo), tinatawag itong B'reshit o Bərêšîth (בראשית, mula sa unang salita ng tekstong Ebreo) na nangangahulugang "sa simula". Katulad rin ng pagpapangalan sa Henesis ang ginawang pagbibigay ng pamagat para sa iba pang apat na mga aklat ng Pentateuko.

Bibliya/Tanakh
Torah | Nevi'im | Ketuvim
Mga Aklat ng Torah/Pentateuco
1. Aklat ng Henesis
2. Aklat ng Exodus
3. Aklat ng Levitico
4. Aklat ng Mga Bilang
5. Aklat ng Deuteronomio

Mga nilalaman

  • Bereishit, Genesis 1-6: Paglikha ayon sa Genesis, Hardin ng Eden, Adan at Eba, Cain at Abel, Lamech, kasamaan
  • Noach, Genesis 6-11: Arko ni Noe, Malaking Baha, pagkalasing ni Noe, Tore ng Babel
  • Lech-Lecha, Genesis 12-17: Abraham, pagpapakasal ni Sarah sa kanyang kalahating kapatid na si Abraham, Lot, tipan, pakikipagtalik ni Abraham kay Hagar at panganganak ni Hagar kay Ismael, pagtutuli
  • Vayeira Genesis 18-22: Mga bisita ni Abraham, Sodomita, mga bisita ni Lot at paglisan, pakikipagtalik ni Lot sa kanyang mga anak, pagpapatalsik ni Abraham kay Hagar, pagbibigkis kay Isaac
  • Chayei Sarah, Genesis 23-25: Inilibing si Sarah, Rebekah kay Isaac
  • Toledot, Genesis 25-28: Esau at Jacob, karapatang pang-anak ni Esau, pagpapala kay Isaac
  • Vayetze, Genesis 28-32: Poligamiya ni Jacob, Paglisan ni Jacob, Rachel, Leah, Laban, mga anak ni Jacob at paglisan
  • Vayishlach,Genesis 32-36: Muling pagkikita ni Jacob kay Esau, panggagahasa kay Dinah
  • Vayeshev, Genesis 37-40: mga panaginip ni Joseph, pang-aalipin, Judah at Tamar, Joseph at Potiphar
  • Miketz, Genesis 41-44: panaginip ni Faraon, si Joseph sa pamahalaan ng ehipto, pagbisita ng mga kapatid ni Joseph sa Ehipto
  • Vayigash, Genesis 44-47: Inihayag ni Joseph ang kanyang sarili sa mga kapatid, si Jacob ay lumipat sa Ehipto
  • Vayechi, Genesis 47-50: mga pagpapala ni Jacob, kamatayan ni Jacob at Joseph

Paglalarawan

Tizian 091
Sina Adan at Eva, ginuhit ni Titian.

Nagsisimula ang Genesis sa paglalarawan ng paglikha ng Diyos sa mundo, kay Adan at Eva, at ng kanilang pagdidistiyero sa Halamanan ng Eden, sa kuwento ni Cain at Abel, at sa kuwento tungkol kay Noe at ang malaking baha.

Nagsisimula ang kapitulo labindalawa sa pagtawag ng Diyos kay Abram (na naging Abraham) at sa kanyang baog na asawang si Sarai (na naging Sarah) mula sa Ur ng Sumerya, patungong Canaan (o Palestina). Naglalaman din ito ng pagtanggap ng Diyos kay Abraham. Nangako ang Diyos na sa pamamagitan ng binhi ni Abraham, mababasbasan ang lahat ng tao sa mundo (Genesis 22:3). Nakatala rin sa Genesis ang mga gawain ni Isaac, anak ni Abraham; at ng mga apo niyang sina Esau at Jacob (na naging Israel), at ng kanilang mga pamilya. Nagwawakas ang aklat sa salaysayin hinggil sa mga inapo ni Abraham - ang mga Israelita - na nanirahan sa Ehipto, ayon sa kagustuhan ng Paraon.

Nilalaman ng Genesis ang sinasapantahang kasaysayan at batayan ng mga pambansang relihiyosong kaisipan at mga institusyon ng Israel, na nagsisilbing pambungad sa mga kasaysayan, batas, at kaugalian nito.

Komposisyon

Sa higit ng ika-20 siglo, ang karamihan ng mga skolar ng Bibliya ay umaayon na ang unang aklat ng Lumang Tipan na Pentateuch (Aklat ng Genesis, Aklat ng Exodo, Aklat ng Levitico, Aklat ng Bilang at Deuteronomiyo) ay nagmula sa apat na pinagkunan na Yahwist, Elohist, Deuteronomist at Pinagkunang pangsaserdote (priestly source) na ang bawat isang mga ito ay naghahayag ng parehong pundamental na kuwento at pinagsama ng iba ibang mga editor.[2] Simula 1970, nagkaroon ng rebolusyon sa skolarship ng Bibliya kung saan ang pinagkunang Elohist ay malawak nang tinuturing na isa lamang bariasyon (uri) ng Yahwist samantalang ang Pinagkunang pangsaserdote (priestly source) ay palagong nakita bilang isang katawan ng mga rebisyon (pagbabago) at pagpapalawig ng Yahwist (o hindi-pangsaserdoteng) materyal. Ang pinagkunang Deutoronomista ay hindi lumilitaw sa Aklat ng Genesis.[3]

Sa paglikha ng kasaysayang Patriyarkal, ang Yahwist ay humugot sa apat na magkakahiwalay na mga bloke ng tradisyonal na kuwento tungkol kay Abraham, Jacob, Judah at Joseph at isinama ang mga ito sa mga henealohiya, mga iteneraryo, at ang tema ng "pangako" upang lumikha ng isang nagkakaisang buong kuwento.[4] Sa parehong paglalarawan, nang ang Yahwist ay lumikha ng "kasaysayang primebal" (panimulang kasaysayan), ito ay humugot sa mga pinagkunan o materyal na Griyego at Mesopotamyano, binago at dinagdagan ang mga ito upang lumikha ng isang nagkakaisang akda upang umayon sa kanyang teolohikal na ahenda (hangarin).[5] Ang akdang Yahwistiko ay binago naman at pinalawig sa isang huling edisyon ng mga may-akda ng pinagkunang pangsaserdote (priestly source).[6]

Ito ay nag-iiwan sa tanong na kelan ang mga akdang ito isinulat. Ang mga skolar sa unang kalahati ng ika-20 siglo ay dumating sa konklusyon na ang Yahwist ay nilikha sa yugtong monarkiko (panahon ng mga hari sa Israeli) na spesipikong sa korte ni Solomon at ang akdang pinagkunang pangsaserdote (priestly source) ay niliha sa gitna ng ika-5 siglo BCE na ang may-akda ay tinukoy na si Ezra ngunit ang mas kamakailang pananaw ay ang Yahwist ay isinulat bago o habang nangyayari ang pagkakatapon sa Babilonya noong ika-6 siglo BCE at ang huling edisyong pangsaserdote (priestly) ay ginawa sa huli ng yugto ng pagkakatapong ito sa Babilonya o sa sandaling panahon pagkatapos nito.[7]

Sa kung bakit ang aklat na ito ay nilikha, ang isang teoriya na nagkamit ng labis na interest sa skolarship ng Bibliya bagaman nanantaili pa ring kontrobersiyal ang "autorisasyong pang-imperyong Persa (Persian)". Ito ay nagmumungkahing ang mga Persian pagkatapos ng kanilang pananakop sa Babilonya noong 538 BCE ay pumayag na bigyan ang Jerusalem ng isang malaking sukat ng lokal na autonomiya (sariling pamahalaan) sa loob ng Imperyong Persa (Persian) ngunit nag-atas sa mga lokal na autoridad na lumikha ng isang kodigo ng batas na tinatanggap ng buong pamayanan. Ang dalawang makapangyarihang mga pangkat na bumubuo ng pamayanan, ang mga pamilyang pangsaserdote (priestly) na kumokontrol sa Templo at tumunton ng kanilang saligan na mito (myth) ni Moises at paglalakbay sa ilang at ang pangunahing nagmamay-ari ng lupaing mga pamilya na binubuo ng mga "matatanda" (elders) na tumunton ng kanilang pinagmulan kay Abraham na nagbigay sa kanila ng lupa. Ang dalawang mga pangkat na ito ay may alitan sa loob ng maraming mga siglo sa iba't ibang mga isyu at ang bawat isang ito ay may kanya kanyang "kasaysayan ng pinagmulan" ngunit ang pangako ng imperyong Persian ng papalaking lokal na autonomiya para sa lahat ng mga sinakop na ito ay nagbigay ng makapangyarihang pampasigla upang magkaisa ang dalawang mga pangkat na ito sa pagbuo ng isang teksto.[8]

Genre

Ang Aklat ng Genesis ay tila mahusay na makikita bilang isang halimbawa ng "makalumang kasaysayan" (antiquarian history) na isang uri ng panitikan na naghahayag ng unang paglitaw ng mga tao, mga kuwento ng mga ninuno at mga bayani at pinagmulan ng mga kultura, siyudad at iba pa.[9] Ang pinakakilalang mga halimbaw ng panitikang ito ang makikita sa akda ng mga historyan na Griyego noong ika-6 siglo BCE. Ang layunin ng mga may-akdang ito ay i-ugnay ang mga kilalang pamilya ng kanilang panahon sa nakaraang malayo at makabayani. Sa paggawa nito, ang mga may-akdang ito ay hindi nagtatangi ng mito (myth), alamat at mga katotohanan (facts).[10] Tinawag ng propesor na si Jean-Louis Ska ng Pontifical Biblical Institute ang pundamental na patakarang ito ng antikwaryanong manunulat ng kasaysayan na "batas ng konserbasyon" na lahat ng luma ay mahalaga at walang inaalis.[11] Tinukoy rin ni Ska na ang layunin sa likod ng mga kasaysayang makaluma (antiquarian) ay ang pagiging luma (antiquity) ay kailangan upang patunayan ang halaga (worth) ng mga tradisyon ng Israel sa ibang mga kapitbahay na bansa nito sa simulang Palestinong Persian at upang pagkasunduin at pagkaisahin ang iba't ibang mga paksiyon (pangkat) sa loob mismo ng Israel.[11]

Mga anakronismo

Ang mga pagkakatuklas na arkeolohikal tungkol sa lipunan at kultura sa Sinaunang Malapit na Silangan (Ancient Neart East) ay nagpakita ng ilang mga anakronismo o hindi angkop na konsepto sa mga salaysay ng Aklat ng Genesis. Ang mga anakronismong ito ay nagmumungkahing ang mga salaysay na ito isinulat noong ika-9 at ika-7 silgo CE [12] imbis na sa panahon ni Moises na ayon sa tradisyong Hudyo ang sumulat ng Pentateuch kabilang ang Aklat ng Genesis at ayon sa tradisyon ng Hudyo ay umiral noong 1391–1271 BCE.

  • Ang mga Arameo ay kalimitang binanggit ngunit walang sinaunang teksto ang bumanggit sa mga ito hanggang mga 1100 BCE at ang mga ito ay nagsimula lamang magkaroon ng kontrol sa hilagang mga hangganan ng Israel pagkatapos ng ika-9 na BCE.[13]
  • Ang Aklat ng Geneis ay naglalarawn ng simulang pinagmulan ng kapitbahay ng Israel na kaharian ng Edom ngunit ang mga rekord ng Asirya ay nagpapakitang ang Edom ay umiral lamang pagkatapos ng pananakop ng Asirya sa rehiyong ito. Bago nito, ito ay walang mga namumunong mga hari, hindi bukod na estado at ang ebidensiyang arkeolohikal ay nagpapakitang ito ay kakaunti lamang.[14]
  • Ang kuwento ni Joseph ay tumutukoy sa mga mangangalakal na gumagamit ng mga kamelyo na nagdadala ng mga "gum, balm, at myrrh" na hindi malamang na mangyari bago ang unang milenyo dahil ang gawaing ito ay naging karaniwan lamang sa ika-8 hanggang ika-7 siglo BCE nang ang hegemonyang Asiryano ay gumawa sa pangangalakal na Arabian na ito na yumabong bilang isang pangunahing industriya.[15]
  • Ang lupain ng Goshen ay may pangalang nagmula sa pangkat Arabiko na nagdomina lamang sa Nile Delta noong ika-6 hanggang ika-5 siglo BCE.[16]
  • Ang Faraon ng Ehipto ay inilalarawan na natatakot sa pananakop mula sa silangan bagaman ang teritoryo ng Ehipto ay sumaklaw sa hilagang mga bahagi ng Canaan na ang pinaka banta nito ay mula sa hilaga hanggang ika-7 siglo CE.[17]
  • Ang mga sumusunod na talata tungkol kay Moises na hindi maaaring isulat mismo ni Moises.
Si Moises naman ay isang taong mapagpakumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.Aklat ng mga Bilang 12:3

Ayon kay Richard Friedman na propesor ng Hebrew and Comparative Literature sa University California, normal na hindi mo aasahang ang pinakamapagpakumbabang tao sa mundo ay magtuturo na siya ang pinakampapagpakumbabang tao sa mundo.

Bukod dito, may mga talata ring nagsasalita tungkol kay Moises na tila siya ay matagal nang namatay. Ang ilan sa mga ito ang:

Sa katunayan, si Moises ay dinakila sa buong Egipto, maging ng mga tauhan ng Faraon at ng buong bayan.Exodo 11:3
Mula noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh.Deuteronomiyo 34:10
At si Moises na lingkod ni Yahweh ay namatay sa lupain ng Moab, tulad ng sinabi ni Yahweh. Inilibing siya ni Yahweh sa isang libis sa Moab sa tapat ng Beth-peor, ngunit hanggang ngayo'y walang nakakaalam ng tiyak na lugar. Siya'y sandaa't dalawampung taong gulang nang mamatay. Hindi lumabo ang kanyang paningin at hindi rin nanghina ang kanyang pangangatawan. Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel sa kapatagan ng Moab.Deuteronomiyo 34:5-8

Ang pananaw na ito ay umaayon sa hipotesis na dokumentaryo na nagmumungkahing ang pentateuch (unang limang aklat ng Lumang Tipan) ay isinulat sa pagitan ng ika-8 at ika-6 na siglo BCE at hindi isinulat ni Moises.[18]

Tignan din

Mga sanggunian

  1. Abriol, Jose C. (2000). "Genesis". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.
  2. Gooder (2000), pp.12-14
  3. Van Seters (2004), pp.30-86
  4. Van Seters (1998), p.33
  5. Van Seters (1992), pp.188-189
  6. Van Seters (2004) p.114
  7. Davies (1998), p.37
  8. Ska (2006), pp.169, 217-218
  9. Van Seters (2004) pp.113-114
  10. Whybray (2001), p.39
  11. 11.0 11.1 Ska (2006), p.169
  12. The Bible Unearthed, p. 38.
  13. The Bible Unearthed, p. 39.
  14. The Bible Unearthed, p. 40.
  15. The Bible Unearthed, p. 37.
  16. The Bible Unearthed, p. 66–67.
  17. The Bible Unearthed, p. 67.
  18. The Bible Unearthed, p. 36.

Panlabas na kawing

Adan at Eba

Sina Adan at Eba ayon sa mito ng paglikha ng mga relihiyong Abrahamiko na Hudaismo, Kristiyanismo at Islam ang unang lalake at unang babae o mga unang tao at mga magulang ng sangkatauhan.

Bukod sa Aklat ng Genesis, ang kuwento ni Adan at Eba ay lumilitaw rin sa Quran, sa Talmud, Apocalipsis ni Adan at Buhay ni Adan at Eba, Alitan nina Adan at Eba kay Satanas at Testamento ni Adan. Ang mga tradisyong Hudyo gaya ng Alpabeto ni Sirach ay bumabanggit sa unang asawa ni Adan na si Lilith.

Aklat ng Exodo

Para sa ibang gamit, tingnan ang Exodo (paglilinaw).Ang Aklat ng Exodo o Exodus ay ang ikalawang aklat ng Torah o Pentateuko, ng Tanakh at ng Lumang Tipan ng Bibliya. Sa Hebreo, ito'y tinatawag na Shemot (שְׁמוֹת) na galing sa pariralang Ve-eleh shemot, ואלה שמות, "At ito ang mga pangalan". Nangangahulugang "Paglabas" ang salitang Exodo na hinango mula sa wikang Griyego. Nilalahad sa librong ito ang paglabas ng bayang Israel mula sa Ehipto noong ika-13 daantaon habang pinangangasiwaan ni Moises. Karugtong ito ng kasaysayan ng mga Israelita na isinalaysay sa Aklat ng Henesis (ang kanilang pagkaalipin sa ilalim ng mga Ehipsiyo, pagtawid nila sa Dagat na Pula, at ang paglalakbay sa ilang para marating ang Bundok Sinai, kung saan gumawa ang Diyos ng pakikipagtipan sa bayan ng Israel). Sa pamamagitan ni Moises, ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang Sampung Utos o Batas.

Bibliya

Tungkol sa tekstong Kristyano ang artikulong ito. Para sa tekstong Hudyo, tingnan ang Tanakh.

Ang Bibliya o Biblia (ang huli ay mala-Kastila at maka-Griyegong pagbabaybay) ay isang kalipunan ng mga kasulatang relihiyoso na ginagamit sa Hudaismo at Kristiyanismo. Ang kanon ng Bibliya ay magkakaiba sa iba't ibang denominasyon.

Sa Hudaismo, ito ay binubuo lámang ng 24 aklat ng Tanakh (tinatawag na Lumang Tipan sa Kristiyanismo) at hindi kabílang dito ang Bagong Tipan. Para sa mga Samaritano, ang Bibliya ay binubuo lámang ng limang aklat ng Torah (Henesis, Eksodo, Lebitiko, Deuteronomyo at Bilang). Sa Katolisismo, ang Bibliya ay binubuo ng 73 aklat ng pinagsámang Lumang Tipan na may kasamang Deuterokanoniko o Apokripa sa katawagang Protestante at Bagong Tipan. Sa Protestantismo, ang Bibliya ay binubuo ng 66 na aklat ng Luma at Bagong Tipan liban sa Apokripa o Deuterokanoniko ng mga Katoliko. Sa Etiopianong Ortodokso, ang Bibliya ay binubuo ng 81 na aklat, habang ang may pinakamalaking kanon ang mga Silangang Ortodokso, na kumikilala ng 84 na aklat bilang bahagi ng Bibliya. Sa Marcionismo (isang sektang Gnostiko), 11 lámang ang aklat na itinuturing nilang Bibliya, at hindi kasama dito ang buong Lumang Tipan.

Cain at Abel

Para sa 2018 drama sa GMA Network, ipakita and Cain at Abel (seryeng pantelebisyon).Ayon sa Henesis, sina Cain at Abel ay ang una at ikalawang lalaking anak nina Adan at Eba,

"She conceived and gave birth to Cain. ... Then she also gave birth to his brother Abel." Genesis 4:1-2 (Holman Christian Standard Bible, HCSB). Sa Hebreo, nangangahulugan ang Cain ng "nagkamit" o, sa ilang pagsasalinwika, "ako'y nagkamit."Abriol, Jose C. (2000). "Cain". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077., pahina 15.

Deuteronomio

Huwag itong ikalito sa Deuterokanoniko.Ang Aklat ng Deuteronomio ay ang panlima at pinakahuling aklat ng Torah o Pentateuco. Nangangahulugang "ikalawang batas" ang salitang Deuteronomio, ngunit hindi nakalahad sa librong ito ang isang bagong batas, bagkus isang pag-uulit at pagbubuo lang ng batas mula sa Diyos sa Bundok ng Sinai. Itinuturing na buod lamang ito ng mga kaganapang nangyari na sa iba pang mga aklat ng Pentateuco, kaya't isa lamang itong huling habilin ni Moises para sa bayang Israel, bago siya sumakabilang-buhay.

Deuteronomista

Ang Deuteronomista o Deuteronomist, o simpleng D ang isa sa pinagkunan ng Torah ng Bibliya. Ang ibang tatlo ang tekstong Saserdote, ang Yahwist at Elohist. Ito ay matatagpuan sa aklat ng Deuteronomio, sa Aklat ni Josue, Aklat ng mga Hukom, Aklat ni Samuel at Aklat ng mga Hari(ang kasaysayang Deuteronomistiko o DtrH) gayundin sa Aklat ni Jeremias. Ang mga Deuteronomista ay nakikitang higit bilang isang eskwela o kilusan sa halip na isang may akda. Pangkalahatang inaayunan ng mga skolar ng Bibliya na ang Deuteronomista ay nagmulang independiyente sa Aklat ng Genesis, Aklat ng Exodo, Aklat ng Levitico, at Aklat ng mga Bilang(ang unang apat na aklat ng Torah) at sa kasaysayan ng Aklat ng mga Kronika). Ayon sa karamihan ng mga skolar, ang karamihan ng tekston gito ay nagmula sa pagkakatapon sa Babilonya(noong ika-6 siglo BCE). Ito ay nauugnay sa editoryal na pagbabago ng parehong Tetrateuch at Aklat ni Jeremias.

Elisa

Naka-redirect ang "Elisa" dito. Para sa ibang gamit, tingnan ang Elisa (paglilinaw).

Si Elisa (Elishah sa Ingles) ay isa sa mga anak ni Javan ayon sa Aklat ng Genesis (10:4), at saka sa pang-Gitnang Panahon na rabinikong Aklat ni Jasher. Binabaggit siya sa Jasher bilang ninuno ng mga "Almanim," na malamang ay isang pagtutukoy sa mga Hermanikong tribu (Alamanni). Isang mas nauna at mas karaniwang paniniwala ay kumikilala sa kaniya bilang tagapagtatag ng Gresya, ang bayan ng Elis sa (tangway ng) Peloponeso. Ang "Pitumpu" o Septuahintang Griyego ng Genesis 10 ay nagtatala kay Elisa na hindi lang isa sa mga anak ni Javan, kundi isa rin sa mga anak ni Japheth, na malamang ay isang pagkakamali ng taga-kopya.

Elisa (paglilinaw)

Ang pangalang Elisa ay pangalang pambabae na katumbas ng Eliza sa Ingles at ng Elise sa Pranses. Maaari itong tumutukoy kay:

Elisa (lalaki), isang tauhan sa Aklat ng Genesis

Elisa Olga Kho

Elisa R. Ochoa Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.

Enmerkar at ang Panginoon ng Aratta

Ang Enmerkar at ang Panginoon ng Aratta ay isang maalamat na salaysay na Sumeryo na nilikha noong panahong Neo-Sumeryo(ca. 2100 BCE). Ito ay isa sa sunod sunod na mga salaysay na naglalarawan ng mga alitan sa pagitan ni Enmerkar na hari ng Unug-Kulaba (Uruk) at ang hindi pinangalanang hari ng Aratta. Ito ay kilala rin sa mga pagkakatulad sa Tore ng Babel sa Aklat ng Genesis ng Bibliya.

Enûma Eliš

Ang Enûma Eliš (Kuneypormang Akkadiano: 𒂊𒉡𒈠𒂊𒇺) ang mito ng paglikha ng kabihasnang Babilonya. Ito ay natuklasan ni Austen Henry Layard noong 1849 sa anyong pragmentaryo sa nawasak na aklatan ni Ashurbanipal sa Nineveh (Mosul, Iraq) at inilimbag ni George Smith noong 1876. Ito ay naglalaman ng mga isang libong linya at itinala sa Lumang Babylonyo sa pitong putik na mga tableta na ang bawat isa ay naglalaman ng sa pagitan ng 115 at 170 mga linya ng teksto. Ang karamihan ng Tabletang V ay hindi natuklasan ngunit sa kabila ng lacuna na ito, ang teksto ay halos kumpleto. Ang kopya ng Tabletang V ay natagpuan sa Sultantepe sa matandang Huzirina na matatagpuan sa modernong bayan ng Şanlıurfa sa Turkey. Ang epikong ito ay pinakamahalagang pinagkukunan ng pagkaunawa sa pananaw pangmundo ng kabihasnang Babilonya na nakasentro sa pagiging suprema ng Diyos na si Marduk at ang paglikha ng sangkatauhan para sa paglilingkod sa mga Diyos. Gayunpaman, ang pangunahing layunin nito ay hindi ang paghahayag ng teolohiya o teogoniya kundi ang pagtataas kay Marduk na pangunahing Diyos ng Babilonya sa iba pang mga diyos ng Mesopotamia. Ang Enûma Eliš ay umiiral sa iba't ibang mga kopya mula sa Babilonya at Asirya. Ang bersiyon mula sa aklatan ni Ashurbanipal ay may petsang nagmumula sa ika-7 siglo BCE. Ang komposisyon ng teksto ay malamang nagmula sa panahong Tanso hangganang sa panahon ni Hammurabi o marahil ay sa simulang panahon ng Kassite(mga ika-19 hanggang ika-16 siglo BCE) bagaman ang ilang mga skolar ay pumapabor sa kalaunang petsa na ca. 1100 BCE.

Epiko ni Gilgamesh

Ang Epiko ni Gilgamesh ay isang panulaang epiko mula sa sinaunang Mesopotamya na madalas ay itinuturing ang pinakamamatandang umiiral na dakilang likha ng panitikan. Ang kasaysayang pampanitikan ni Gilgamesh ay nagsisimula sa limang tulang Sumeryo tungkol kay Bilgamesh (Sumeryo para sa "Gilgamesh"), ang hari ng Uruk, noong Ikatlong Dinastiya ng Ur (c. 2100 BK). Ang mga ito ay ginamit bilang sangguniang materyal para sa pinagsamang epiko sa Akkadiano. Ang unang nabubuhay na bersiyon ng pinagsamang epiko na ito, kilala bilang ang "Lumang Babilonyo" na bersiyon, ay mapepetsahan sa ika-18 siglo BK at pinamagatang Shūtur eli sharrī ("Higit sa Lahat ng Ibang mga Hari") matapos sa incipit nito. Iilan lamang ang mga umiiral na pragmento nito. Ang kalaunang "pamantayang" bersiyon ay mapepetsahan mula ika-13 hanggang ika-10 siglo BK at pinamagatan ng incipit na Sha naqba īmuru ("Siya na Nakakita sa Malalim", sa modernong kahulugan: "Siya na Nakakakita ng Hindi Alam"). Tinatayang dalawang-katlo ng mas mahabang 12 tabletang bersiyong ito ay nakuha. Ang ilang mga pinaka mahuhusay na kopya ng Epiko ni Gilgamesh ay natuklasan sa mga gibang aklatan ng ika-7 siglo BK haring Asiryong si Ashurbanipal.

Jahwist

Ang Jahwist na tinutukoy ring Jehovist, Yahwist, o simpleng J ang isa sa apat na pinagkunan o sanggunian ng Torah ng Bibliya. Ang iba pang tatlo ang Elohist, Deuteronomist at Priestly source. Nakuha nito ang pangalan nito mula sa katangiang paggamit nito ng terminong Yahweh(o mas tumpak na "YHWH") para sa diyos sa Aklat ng Genesis. Sa karamihan ng mga Bibliyang Ingles, ang terminong ito ay pinalitan ng "the LORD", " o minsang "GOD". Sa unang kalahati ng ika-20 siglo, pinaniwalaan ng mga skolar ang ang J o Yahwist ay may petsang mula c. 950 BCE, ngunit ayon sa kalaunang pag-aaral, ang mga bahagi ng J ay hindi maaaring mas maaga sa ika-7 siglo BCE. Ang mga kasalukuyang teoriya ay naglalagay ng pagkakasulat nito sa pagkakatapon o pagkatapos ng pagkakatapon sa Babilonya noong mga ika-6 siglo BCE hanggang ika-5 siglo BCE. ngunit pinagtatalunan pa rin ito ng mga skolar hanggang ngayon.

Kaguluhan (kosmogoniya)

Ang Kaguluhan (Sinaunang Griyego χάος, khaos) ay tumutukoy sa walang anyo o katayuang walang laman na nauna sa paglikha ng uniberso o cosmos sa mga mito ng paglikha ng Griyego na mas espesipikong inisyal na "puwang" nanilikha ng orihinal na paghihiwalay ng langit at lupa. Ang motif ng Chaoskampf (Aleman para sa "pakikibaka laban sa kaguluhan") ay laganap sa mga mito ng paglikha na naglalarawan ng isang labanan ng isang kulturang bayani sa isang halimaw na kaguluhan at kadalasang nasa hugis ng isang ahas o dragon. Ang parehong termino ay pinalawig sa mga parehong konsepto sa mga relihiyon ng Sinaunang Malapit na Silangan. Ang paglikha ng daigdig ayon sa mga mitolohiya ng Sinaunang Malapit na Silangan at Mitolohiyang Griyego ay nagresulta mula sa mga aksiyon ng isang diyos o mga diyos/diyosa sa mga primebal na materya na umiiral na at kilala bilang kaguluhan.

Kreasyonismo

Ang "kresyunismo" ay maaari ring tumukoy sa mga mito ng paglikha, o sa isang diwa hinggil sa pinagmulan ng kaluluwa. Para sa kilusan sa panitikang Kastila, tingnan ang Creacionismo.Ang kreasyonismo (Ingles: Creationism) ay isang paniniwalang pampananampalataya na itinataguyod ng ilang mga pangkat ng relihiyon partikular na sa Kristiyanismo, Islam at iba pa na ang sangkatauhan, buhay, ang Daigdig at ang uniberso ay nilikha ng diyos (ng partikular na relihiyon) sa halip na sa pamamagitan ng ebolusyon. Sa pag-unlad ng kontrobersiya ng paglikha at ng ebolusyon, ang katagang "anti-ebolusyonista" (kalaban ng ebolusyon) ay naging mas pangkaraniwan, at noong 1929 sa Estados Unidos, ang katawagang creationism o kreasyonismo ay unang tiyak na naugnay sa hindi paniniwala ng mga pundamentalistang Kristiyano sa teoriyang siyentipiko ng ebolusyon.Sa ngayon, ang Amerikanong Apilyasyong Siyentipiko at ang Mga Kristiyano sa Agham na nakabase sa Nagkakaisang Kaharian ay kumikilala na mayroong iba't ibang mga opinyon sa piling ng mga kreasyonista hinggil sa paraan ng paglikha, habang ipinapahayag ang pagkakaisa ukol sa paniniwalang Kristiyano na ang Diyos ang "lumikha ng sansinukob". Magmula noong dekada 1920, ang kreasyonismong literalista sa Amerika ay tumututol sa mga teoriyang pang-agham katulad ng ebolusyon, na hinango mula sa mga obserbasyon ng uniberso at ng buhay. Ang mga kreasyonistang pundamentalista ay nagbabatay ng kanilang paniniwala sa isang literal na pagbasa ng paglikha na mula sa salasay ng Aklat ng Genesis. Ang ibang mga relihiyon ay may iba't ibang mga mito ng paglikha, habang ang magkakaibang mga kasapi ng indibidwal na mga pananalig ay nagkakaiba-iba sa kani-kanilang mga pagtanggap ng mga natutuklasan sa larangan ng agham. Ang kreasyonismo ay inilalarawan ng pamayanang siyentipiko bilang pseudosiyensa (hindi agham).Ang kreasyonismo ay hindi kumakatawan sa lahat ng paniniwalang Kristiyano tungkol sa paglikha ng uniberso at mga tao at sa literal na pagbasa ng bibliya. Ang ilang mga denominasyong Kristiyano at Hudaismo ay tumatanggap na ang ebolusyon ay hindi sumasalungat sa kanilang paniniwala sa paglikha at mga pinagmulan ng tao. Ang kreasyonismang matandang mundo(old earth creationism) ay isang termino na sumasakop sa iba't ibang mga uri ng kreasyonismo kabilang ang gap creationism, progressive creationism, at evolutionary creationism. Ang kreasyonismong ito ay mas umaayon sa nananaig na pananaw siyentipiko kesa sa literalistang kreasyonismong batang mundo. Ang teistikong ebolusyon ang paniniwala ng ilang pangkat ng Kristiyanismo na ang ebolusyon ay umaayon sa kanilang relihiyon. Ayon sa paniniwalang ito, ang ebolusyon ay simpleng ang kasangkapan na ginamit ng diyos upang magpaunlad ng buhay ng tao.

Paglikha ayon sa Genesis

Ang paglikha ayon sa Genesis o mito ng paglikha ayon sa Genesis ay naglalaman ng pangunahing mito ng paglikha ng parehong relihiyong Hudaismo at Kristiyanismo. Ang mitong ito ay nilalaman ng unang dalawang mga kapitulo ng Aklat ng Genesis. Ang unang kapitulo o kabanata ay naglalarawan ng pagkakaliha ng mundo ni Elohim (אֱלֹהִ֔ים na salitang Hebreo para sa diyos) sa loob ng anim na araw(Hebreo: יום‎, yom) sa pamamagitan ng salita ng diyos na humantong sa pagkakalikha ng sangkatauhan at ang diyos ay nagpahinga, nagpala at nagpabanal ng Shabbat (ikapitong araw). Ang ikalawang kapitulo ay naglalarawan kay YHWH—na personal na pangalan ng diyos ng Israel na lumikha ng unang tao na si Adan mula sa alikabok(o alabok) ng lupa, iniligay ito sa Hardin ng Eden at lumikha ng unang babae na si Eba mula sa tadyang ni Adan. Inilarawan ng skolar na si Robert Alter ang pinagsamang salaysay bilang "makapipilit sa katangiang arketipal nito, at pag-aangkop nito ng mito sa mga layuning monoteistiko".Ayon sa karamihan ng mga modernong skolar ng Bibliya, ang mga Israelita ay humiram ng ilang mga tema mula sa mitolohiyang Mesopotamiyano (Irak) ngunit inangkop ang mga ito sa kanilang monoteistikong (may isang diyos na) paniniwala sa Hudaismo gaya ng isinasaad ng shema. Sa Genesis 1, ang diyos ay lumikha sa pamamagitan ng sinalitang kautusan ("Let there be.../Hayaang magkaroon ng...") na nagmumungkahi ng paghahambing sa isang hari na nagsasalita lamang para mangyari ang mga bagay. Ang bawat utos ay sinusundan ng pagbibigay pangalan ("And he called.../At kanyang tinawag"). Sa sinaunang Malapit na Silangan, ang pagpapangalan ay nakatali sa akto ng paglikha kaya sa panitikang Ehipsiyo, ang manlilikhang diyos ay naghayag ng pangalan ng lahat ng bagay at ang Enuma Elish ay nagsisimula sa puntong "walang pang napapangalanan". Ang pandiwang Hebreo na ginamit upang ilarawan ang aktong paglikha ng diyos ang ברא, bara na ginagamit lamang sa diyos bilang subhekto. Walang nilalang kabilang ang tao na kailanman naging subhekto(paksa) ng pandiwang bara ngunit obheto lamang. Ayon kay John Walton, ang bara ay tumutungkol hindi sa pagkakalikha ng materya ex nihilo ("mula sa wala"), kundi sa pagsasaayos ng mga tungkulin at gampanin. Ayon kay Walter Brueggemann, ito ay maaaring parehong pakahulugan bilang tumutukoy sa paglikhang ex nihilo at pagsasaayos ng mga tungkulin at gampanin at ang ebidensiyang gramatikal sa anuman sa pananaw na ito ay hindi konklusibo. Sa anumang kaso, kanyang binigyan ng konklusyon na ang salasay ng paglikha ayon Genesis ay nagbibigay diin sa monoteismo at probidensiya ng diyos at hindi na kailangang mamili sa pagitan ng dalawang pagpipiliang exegetical kung ang mismong teksto ay hindi pumipili. Ang mga konserbatibong exegete ng Hudaismo o Kristiyanimo ay nagsasaad na ang bara ay talaga ngang tumutukoy sa paglikhang ex nihilo. Sa Genesis 2, ang salitang Hebreo na ginamit nang buuin ng diyos ang unang tao ay יצר, yatsar, na nangangahulugang "fashioned"(hinugis) na isang pandiwang ginagamit sa kontekstong gaya ng isang magpapalayok na naghuhugis ng palayok. Hiningahan ng diyos ng kanyang hininga ng buhay ang tao at ito ay naging isang buhay na kaluluwaנֶפֶש nephesh na isang salitang nangangahulugang buhay, kasiglahan o buhay na personalidad. Ang tao ay nagsasalo ng nephesh sa lahat ng mga nilalang ngunit tanging ang tao ang inilarawan ng aktong ito ng pagbibigay buhay ng diyos. Ang isang karaniwang pananaw sa mga kasalukuyang skolar ng Bibliya ay ang komprehensibong drapto ng Pentateuch(ang unang limang aklat ng Lumang Tipan na Aklat ng Genesis, Aklat ng Exodo, Aklat ng Levitico, Aklat ng Bilang at Deuteronomiyo) ay nilikha sa huli ng ika-7 o ika-6 na siglo BCE ng Yahwist at ito ay kalaunang pinalawig sa pamamagitan ng mga pagdaragdag ng iba't ibang mga salaysay at batas ng pinagkunang pangsaserdote(priestly source) sa isang akdang tulad ng makikita sa Pentateuch ngayon. Sa salaysay, ang dalawang mga pinagkunan ay lumilitaw sa magkabaligtad na pagkakaayos. Ayon sa pinakalaganap na delineasyon(paghahati) ng mga pinagkunan, ang Genesis 1 ay mula sa pinagkunang pangsaserdote(priestly source) at ang Genesis 2 ay sa Yahwistiko. Sa pananaw ng mga skolar ng Bibliya, ang nananaig na layunin ng akdang ito ay upang itatag ang pagkakalikhang monoteistiko(paniniwala sa isang diyos na si Yahweh) bilang pagtutol o paglaban sa politeistikong(paniniwala sa maraming diyos) panniniwala ng kaaway ng bansang Israel na Imperyong Babylonian. Sa pagtalakay ng skolar ng Bibliya at propesor na si R.N. Whybray sa mga tema ng Aklat ng Genesis sa Oxford Bible Commentary, kanyang isinulat na ang primebal(panimulang) salaysay(Genesis 1 hanggang Genesis 11) ay nagpapakilala ng supremo at isang diyos na lumikha ng mundo na "mabuti"; kalaunan, ang sangkatauhan ay nagrebelde sa diyos na ito at nagpadala ng malaking baha na sinundan ng tamang panahon ng isang mas may pag-asang kapalaran ng sangkatauhan na pinagpala sa pamamagitan ni Abraham.

Sigurat

Ang mga sigurat (Ingles: ziggurat, zigurat) ay natatanging hakbang-hakbang na mga templong-toreng kahawig ng mga tagilo o piramide, na yari sa mga hinabing mga tambo na may kahalong putik. Isa itong kayariang yari sa likas na yamang nilikha ng mga malikhaing mga Sumerio, isang sinaunang mga urbanong kabihasnan na binubuo ng mga mamamayang nanirahan sa katimugang Mesopotamya noong mga ikatlong milenyo bago dumating si Kristo. Isa lamang ito sa mga nilikhang bagay ng mga taga-Sumeria, bukod sa arko, gulong, ang pagsulat ng cuneiform, mga bangka, tahanan, at palasyo.

Sodomya

Ang sodomya o sodomia ay isang terminong ginagamit ng ilang mga relihiyoso upang ilarawan ang gawain ng pakikipagtalik na pambutas ng puwit sa lalake o babae o minsan ay pakikipagtalik ng tao sa hayop. Sa makapananampalatayang diwa, mayroon itong masamang kahulugan. Nagbuhat ang salitang ito mula sa kuwento sa Aklat ng Genesis sa Bibliya ng Sodoma at Gomorrha na pinaniniwalaan ng ilan na puno ng kasamaan at kasalanan. Gayunpaman, may iba't ibang interpretasyon ang iba't ibang sekta sa kung ano talaga ang kasalanan ng mga taga Sodoma at Gomorrha. Ayon sa Ezekiel 16:49-50, ang kasalanan ng mga taga sodoma ay pagiging arogante, pagkakaroon ng masaganang pagkain at pagkawalang bahala at hindi tumulong sa mga mahihirap at nangangailangan.

Tungkol sa Pinagmulan ng Mundo(Nag Hammadi)

Ang Tungkol sa Pinagmulan ng Mundo o On the Origin of the World ay isang tekstong Gnostiko na nauukol sa paglikha ng mundo at sa pagwawakas ng mundo. Ito ay natagpuan sa aklatang Nag Hammadi noong 1945. Ito ay naglalaman ng binagong kuwento ng Aklat ng Genesis at inilagay si Yaldabaoth, ang Demiurge bilang manlilikha ng mundo na gumagampan ng papel ng diyos sa Aklat ng Genesis. Sa karagdagan, ang ahas sa hardin ng eden ay inilalarawan bilang isang bayani na ipinadala ni Sophia (Karunungan) upang gabayan ang sangkatauhan tungo sa kaliwanagan.

Ubara-Tutu

Si Ubara-tutu (o Ubartutu) ng Shuruppak ang huling antedelubyanong(bago ang malaking baha) hari ng Sumerya. Siya ay itinalang anak ni Enmunderana na pinaniniwalaan ng karamihan na inspirasyon ng karakter na Enoch sa Bibliya. Si Ubara-Tutu ay nabuhay hanggang sa tumabon ang baha sa lupain na tulad rin ni Metuselah na anak ni Enoch na nagmumungkahing siya ang karakter na pinagbasehan ng karakter na Metuselah sa Aklat ng Genesis. Pagkatapos ng baha, ang paghahari ay muling itinatag sa hilagaang siyudad ng Kish ayon sa talaan ng mga haring Sumeryo.

Sa ibang wika

This page is based on a Wikipedia article written by authors (here).
Text is available under the CC BY-SA 3.0 license; additional terms may apply.
Images, videos and audio are available under their respective licenses.